LIPA CITY, Batangas – Apat sa pitong suspek sa panloloob sa isang kilalang bakeshop at restaurant sa Lipa City, Batangas ang naaresto matapos matunton sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa Maynila.
Tinali at piniringan ng mga suspek ang isang security guard na natutulog sa loob ng establisimyento sa kahabaan ng JP Laurel Highway, Barangay Sabang, pasado alas-1 ng madaling araw nitong Martes.
Batay sa kuha ng CCTV, dumating ang pitong lalaki sakay ng isang tuk-tuk dakong alas-1:48 ng madaling araw.
Makikita sa CCTV sa loob ng establisimyento ang biglaang paglapit at pagsalakay ng mga suspek sa guwardiya na noon ay natutulog sa sofa.
Bagama’t nagtangkang lumaban ang guwardiya, nanaig ang mga suspek at iginapos ang mga kamay at paa nito bago piniringan.
Tinangay rin ng mga suspek ang 9mm na baril at cellphone ng guwardiya, gayundin ang vault na naglalaman ng mahigit P200,000 na kita ng bakeshop.
Napasok umano ng grupo ang establisimyento matapos sirain ang kandado ng pangunahing pintuan.
Sa pagsusuri ng CCTV footage, natukoy ng mga imbestigador ang pangalan ng rehistradong operator ng tuk-tuk na ginamit sa krimen. Nakatulong ito upang matunton ang sasakyan sa Tondo, Maynila.
Dalawang suspek ang unang naaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Bambang Street sa Tondo at sa Parola, Binondo.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Aleli Buaquen, hepe ng Lipa City Police Station:
“Meron siyang markings at meron siyang body number. Yung pangalan ng operator nila, yung brand ng kanilang minamaneho, ay nag-o-operate lang sa Tondo, Manila. At doon natin na-trace at positively identified yung mga arrested suspects natin ng security guard.”
Narekober din ng mga awtoridad ang ginamit na tuk-tuk.
Depensa naman ng isa sa mga suspek na kinilalang alyas Kevin, nagmamaneho lamang siya ng tuk-tuk nang alukin siyang ihatid ang grupo sa Lipa City upang kumuha umano ng mantika.
“Siyempre po, agad po akong pumayag dahil panalo po agad ako doon eh. Kita na po agad ako doon eh.Tas noong pagdating po namin diyan, sabi nila drum-drum daw ng mantika ang kukunin namin. Nagulat po ako.Ayun po. Eh, andun na po ako. Wala na rin po akong magagawa eh. Kumbaga nasabay na rin po sa kanila.”

Sa isa pang follow-up operation, dalawang suspek pa ang nadakip sa isang hotel sa kahabaan ng Recto Avenue sa Maynila habang pinag-uusapan umano kung paano gagastusin ang nakulimbat na pera.
Ayon kay Buaquen, nasa edad 20 pataas lamang ang mga suspek at dati nang nasasangkot sa iba’t ibang insidente ng pagnanakaw at ilegal na droga, batay sa kanilang koordinasyon sa Manila Police District.
“Ang age range nila mga 20s lang. Mga grupo ito ng magnanakaw at upon checking with the MPD, ay nasangkot na rin sila sa maraming crime incidents tulad ng pagnanakaw at droga.”

Natukoy rin ng mga imbestigador na posibleng ang grupo rin ang nasa likod ng mga panloloob sa mga sangay ng isang fast-food restaurant sa Tarlac City noong Hulyo 2026 at sa Tagaytay City noong Oktubre 27, 2026.
Ayon pa kay Buaquen:
“Ang modus nila ay magkakagrupo sila tapos mag-iikot sila from Manila. Babyahe sila sa Calabarzon at by chance magtitingin sila ng mga establishments na pwede nilang pasukin.”
Nahaharap na sa kasong robbery ang apat na naarestong suspek habang patuloy ang manhunt operation ng pulisya laban sa tatlo pa nilang kasamahan.