POLA, Oriental Mindoro — Mula sa dating tambakan ng basura at pastulan ng mga hayop, isa na ngayong dinarayong pasyalan ang Christmas Village sa Pola, Oriental Mindoro.

Pormal nang pinailawan ang Christmas Village bilang hudyat ng pagsisimula ng kapaskuhan sa bayan.
Sa tulong ng lokal na pamahalaan at mga residente, nabago ang dating tambakan ng basura at ginawang pasyalan na tampok ang makukulay na ilaw at iba’t ibang dekorasyong pamasko.
Kabilang sa mga atraksyon ang replika ng simbahan, heritage village na nagpapakita ng mga lumang bahay sa Pola, tunnel of lights at 20-talampakang Christmas tree.
Tampok din ang mga dekorasyong hango sa Sab-uyan Festival at yamang-dagat ng bayan.

Ayon kay Mayor Jennifer “Ina Alegre” Cruz, layunin nilang ipakita sa Christmas Village ang kultura, kasaysayan at mga ipinagmamalaki ng Pola.
Patok din sa mga bata ang mini-train na hinihila ng traktura at umiikot sa buong Christmas Village.
Gabi-gabi itong dinarayo hindi lamang ng mga residente kundi maging ng mga bisita mula sa karatig-bayan.
Para sa mga namamasyal, bukod sa magagandang ilaw at dekorasyon, mas espesyal ang lugar dahil nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga pamilya na magsama-sama at magsaya ngayong Pasko.