MANILA – Ibinasura ng Commission on Elections (COMELEC) ang reklamong vote-buying laban kay Occidental Mindoro Rep. Leody “Odie” Tarriela at anim pang kandidato sa iba’t ibang lokal na posisyon noong 2025 elections.
Pinagtibay ng COMELEC en banc ang rekomendasyon ng Law Department na ibasura ang reklamo dahil sa kawalan ng probable cause o sapat na batayan upang ituloy ang kaso.
Inakusahan ang mga respondent ng paglabag sa Omnibus Election Code kaugnay ng vote-buying at pang-aabuso sa paggamit ng mga resources ng pamahalaan.
Kabilang din sa mga ibinasura ang reklamo laban kina San Jose Vice Mayor Santiago Javier, Konsehal Danilo Centeno, mga provincial board member na sina Alex del Valle, Roderick Agas at Arneldo Argame, gayundin kay Nathaniel Cruz na natalo sa halalan.
Ang kaso ay isinampa ng radio broadcaster na si Radamalyn “Boy Kamandag” Cardoza.
Nag-ugat ito sa pagdalo umano ng mga nasabing kandidato sa pamamahagi ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasabay ng pagbisita ng OFW Party-list sa bayan ng San Jose.
Una nang itinanggi ni Tarriela ang mga paratang at tinawag itong isang “politically motivated smear campaign” o kampanyang paninira na may motibong pulitikal at naglalayong guluhin ang kanyang kandidatura.