Lumaktaw sa nilalaman
Martes, 10 Nobyembre 2026 10 Nob 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 9-3-4
National

Occidental Mindoro, isinusulong ang mga solar water pumps sa mga sakahan ngayong may banta ng Super El Niño

Bahagi ito ng paghahanda ng pamahalaang panlalawigan sa inaasahang matinding tagtuyot na maaaring makaapekto sa sektor ng agrikultura at kabuhayan ng libu-libong residente.

Isa lamang ito sa mga sakahan sa bayan ng Sta. Cruz sa Occidental Mindoro.TBST News
I-share

MAMBURAO, Occidental Mindoro — Isinusulong ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano ang pagkakaroon ng mga solar-powered water pump sa mga sakahan upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig para sa irigasyon sa harap ng banta ng Super El Niño.

Bahagi ito ng paghahanda ng pamahalaang panlalawigan sa inaasahang matinding tagtuyot na maaaring makaapekto sa sektor ng agrikultura at kabuhayan ng libu-libong residente.

Ayon kay Gadiano, mas praktikal ang paggamit ng solar-powered water pump kumpara sa mga makinang pinatatakbo ng krudo dahil hindi na mangangailangan ng malaking gastos sa gasolina.

“Sayang kasi yung init kung hindi natin ma-maximize. Kung magbibigay sila ng water pump na fuel din, eh ang taas pa naman ng gasolina ngayon, krudo. Dagdag din na gastos sa mga farmers. Pero kung solar water pump, habang mainit, boga nang boga ng tubig, napapakinabangan ito,” ani Gadiano.

Humihingi na ng tulong ang gobernador sa Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA) upang makapagbigay ng mga solar-powered pump na mapakikinabangan hindi lamang ng mga magsasaka kundi maging ng mga mangingisdang may backyard fishpond.

May isang pribadong kompanya na rin umanong nag-alok na mag-donate ng solar equipment para sa proyekto, basta makakuha ng sertipikasyon mula sa DA na gagamitin ito para sa solar-powered irrigation.

“Pati yung mga mangingisda natin na may backyard fishpond, naiigahan na rin yung kanilang fishpond. So kung may mga water pump sila, yung solar water pump mapapakinabangan nila. Tuloy ang kanilang hanapbuhay sa mga fishpond,” dagdag ng gobernador.

Isa ang Occidental Mindoro sa mga pangunahing prodyuser ng agrikultura sa bansa, partikular sa palay, sibuyas at mais, na malaking bahagi ng suplay ng pagkain sa bansa.

Gayunman, ikinababahala ng gobernador ang posibleng pagkatuyo ng mga ilog na pinagkukunan ng tubig ng maraming sakahan para sa irigasyon.

May ilang magsasaka na rin umanong nagsimula sa pagtitipid at pagrarasyon ng tubig dahil unti-unti nang nababawasan ang suplay nito.

“Ang masaklap niyan, yung mismong irrigation systems, karamihan ay doon mismo umaasa sa ilog. Kapag tumindi nang tumindi ang init niyan, sigurado liliit nang liliit yung tubig,” ani Gadiano.

Nagsasagawa na ng pagsusuri ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), katuwang ang mga municipal disaster risk reduction office, upang matukoy ang mga lugar na pinakabulnerable sa El Niño at ang mga kinakailangang interbensiyon.

Kabilang sa mga pinag-aaralang hakbang ang mas maagang pagtatanim, paggamit ng mga early-maturing rice variety na maaaring anihin sa loob ng 90 araw, at mga binhing matibay sa tagtuyot.

Inamin din ni Gadiano na limitado na ang natitirang calamity fund ng lalawigan ngayong taon dahil sa mga naunang emergency na dulot ng mga bagyo. Dahil dito, kailangang maingat na ilaan ang pondo habang naghahanda rin sa iba pang posibleng kalamidad.

Babala ng gobernador, hindi lamang Occidental Mindoro ang maaaring maapektuhan ng matinding tagtuyot kundi maging ang iba pang lalawigang umaasa sa suplay ng mga produktong agrikultural mula rito.

Kung lubhang bumaba ang produksyon, sinabi ni Gadiano na kailangang unahin ng lalawigan ang pangangailangan sa pagkain ng sarili nitong mga residente.

“Mas uunahin namin tingnan yung survival ng province kasi kung pare-parehas ang sitwasyon, hindi naman talaga dito. Kung dumating na ang ganoong sitwasyon, palagay ko magkakanya-kanya nang tingnan yung survival ng bawat province,” aniya.

Kasama rin sa paghahanda ng pamahalaang panlalawigan ang mga sektor ng kalusugan at edukasyon dahil maaari ring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga residente, partikular ng mga mag-aaral, ang matinding init.

Binigyang-diin ni Gadiano na mahalagang makahanap ng alternatibong pinagkukunan ng tubig, partikular sa pamamagitan ng solar-powered water pumps, upang mapanatili ang produksyon ng agrikultura sakaling matuyo ang mga ilog na pinagkukunan ng tubig para sa irigasyon.

Kaugnay na Balita