CALAMBA CITY, Laguna — Sinimulan na ngayong Lunes, Nobyembre 9, ang pagpapatala para sa libreng psychiatric consultation sa ilalim ng programang “Akay ni Gob” ni Laguna Governor Sol Aragones.
Isinagawa ang unang araw ng registration sa Hectan Compound sa Calamba City, kung saan dinagsa ng mga residente ang venue upang makapagpatala at makinabang sa libreng serbisyong pangkalusugang pangkaisipan.
Mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, tinulungan ng health team ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga aplikanteng nais sumailalim sa konsultasyon.
Maaaring personal na magparehistro ang mga nangangailangan ng serbisyo kasama ang kanilang caregiver, o kaya naman ay ang kanilang mga kapamilya ang mag-asikaso ng pagpapatala para sa kanila.
Matapos ang registration, tatawagan ang mga aplikante ng mga tauhan ng programa upang ipaalam ang kanilang iskedyul ng konsultasyon.
Ayon kay Governor Sol Aragones, kasinghalaga ng pisikal na kalusugan ang kalusugang pangkaisipan kaya layunin ng programa na alisin ang problema sa gastusin upang mas maraming taga-Laguna ang magkaroon ng access sa propesyonal na tulong.
Nilinaw naman ng health team na limitado lamang ang bilang ng mga maaaring tanggapin kaya ipatutupad ang first-come, first-served basis.
Magpapatuloy ang pagpapatala sa mga susunod na araw habang pinag-aaralan din ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapalawak ng libreng psychiatric consultation sa iba pang bayan at lungsod sa Laguna.
Layunin ng programang “Akay ni Gob” na mailapit ang serbisyong pangkalusugang pangkaisipan sa mga residenteng nangangailangan nito, lalo na sa mga walang kakayahang magbayad para sa pribadong konsultasyon. (30)