Lumaktaw sa nilalaman
Lunes, 9 Nobyembre 2026 9 Nob 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 6-2-3
BREAKING MIMAROPA

Pastor na suspek sa pagpatay sa nursing student, sumuko na

Inamin ng suspek ang pagpatay sa biktima. Ikinatwiran ng suspek na matagal umano siyang bina-blackmail ng biktima at pinipilit na kilalanin ang ipinagbubuntis nito kahit wala naman daw silang naging pagtatalik.

Sumuko sa Regional Intelligence Division ng MIMAROPA Police ang pastor na suspek sa pagpatay sa dating kasintahan sa Calapan City, Oriental Mindoro. Sumuko ang suspek sa isang simbahan sa Legarda, Quiapo, Maynila nitong Sabado ng gabi.TBST News
I-share

MANILA — Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad ang isang pastor na itinuturong suspek sa pagpatay sa isang third-year nursing student sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Personal na nagtungo si Police Colonel Gerry Laylo, hepe ng Regional Intelligence Division ng MIMAROPA Regional Police Office, sa isang simbahan sa kahabaan ng Legarda Street sa Quiapo, Maynila, matapos makatanggap ng impormasyon na naroon ang suspek.

Maayos na sumuko ang suspek. Matapos ipaalam sa kaniya ang kaniyang mga karapatan, pinosasan ito at dinala sa Calapan City.

Nakatulong din ang isang pastor ng simbahan upang mahikayat ang suspek na sumuko.

“Kusang siyang sumama pagdating na pagdating namin, pagkapakilala ko sa sarili ko. Kasi kausap ko yung pastor nakausap niya. Pinakilala ako, nagpakilala ako. Nagpakilala din siya sa akin na, ‘Kayo po ba yung pinadala ni Pastor?’ ‘Opo, ako. Ako po yun si Colonel Laylo, pinadala ni Pastor,’” ayon kay Laylo.

Sa panayam ng TBST News, inamin ng suspek ang pagpatay sa biktima.

Ayon sa kaniya, mahigit isang buwan umano silang nagkaroon ng relasyon ng biktima.

Ikinatwiran ng suspek na matagal umano siyang bina-blackmail ng biktima at pinipilit na kilalanin ang ipinagbubuntis nito kahit wala naman daw silang naging pagtatalik.

“Inamin ko po ang nagawa kong pagpaslang kay redacted. … Dahil na din po sa matagal niya pong pagbablackmail sa akin at laging pinipilit na sumama sa kanya at bumalik po sa kanya,” pahayag ng suspek.

“Ang inaano niya po kasi sa akin na buntis daw siya tapos ako ang ama kahit wala naman pong nangyari sa amin. Halos ilang buwan po yun na lagi niya pong sinasabi sa akin. Paulit-ulit lang po,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa suspek, nagtungo siya sa Calapan City sa hiling umano ng biktima upang ayusin ang kanilang problema.

Sinundo pa umano siya ng biktima gamit ang hiniram na motorsiklo.

Siya na raw ang nagmaneho nito at nag-ikot sila hanggang makarating sa madilim na bahagi ng isang barangay road sa Barangay Sapul upang mag-usap.

Nang makarating doon, sinabi umano ng biktima na iihi lamang ito sa madamong bahagi at pinilit pa siyang magpasama.

Pero ayon sa suspek, bigla umanong bumunot ng kutsilyo ang biktima at tinangka siyang saksakin, dahilan upang mag-agawan sila sa patalim.

“Pagdating po doon ay may dala pala siyang kutsilyo at ako po yung gusto niyang saksakin at noong nakita ko po iyon, sinangga ko po yung aking mga kamay kaya po yung mga sugat sa kamay ko ngayon ay dahil po ito doon sa pagsalag ko sa gusto niyang pagsaksak sa akin hanggang sa time na nahawakan ko po yung kutsilyo, pinipilit niya sakin hanggang nabali po yung hawakan at nabitawan niya po yung kutsilyo,” salaysay ng suspek.

Nang makakuha umano ng pagkakataon, sinakal niya ang biktima at sinaksak sa leeg, dibdib at tiyan.

“Nahawakan ko po siya sa leeg tapos sinakal ko. Piniga ko po nang maigi yung kanyang leeg hanggang sa nawalan siya ng malay. Syempre natakot din ako na baka kapag nabuhay siya, magsumbong. Makukulong din po ako mapaparusahan. Kaya ang ginawa ko po para sigurado, sinaksak ko na po yung kanyang leeg para mamatay pati po yung dibdib at yung sa tyan,” ayon pa sa suspek.

Ipinakita rin ng suspek ang mga sugat sa kaniyang mga kamay na ayon sa kaniya ay natamo niya nang salagin ang umano’y mga saksak ng biktima.

Itinanggi rin niyang ginahasa ang biktima at sinabing ibinaba lamang niya ang suot nitong pajama upang iligaw ang mga imbestigador.

“Para lumabas po na hindi ako ang may gawa, binaba ko yung pajama niya pero hindi ko siya ni-rape,” dagdag pa niya.

Humingi rin ng tawad ang suspek sa pamilya ng biktima at sinabing nagpasya siyang sumuko upang wala nang ibang madamay.

“Ang gusto ko lang sabihin sa pamilya ay dahil nagawa ko na yung krimen at hindi ko na po mababago yung katotohanan, sana po ay mapatawad nila ako at bigyan pa ng pagkakataon na pagbayaran yung kasalanang nagawa ko at mabago pa yung buhay ko at ang pangalan ko ay malinis din.

“Sana po ay, kung galit sila sa akin, sa akin na lang. Huwag na po nila idamay ang pamilya ko at yung pangalan ng ibang mga pastor,” pahayag ng suspek.

Matapos ang krimen, sumakay umano ng barko ang suspek patungong Maynila.

Nagkakilala umano sila ng biktima sa isang outreach program para sa mga katutubo sa Mindoro.

Pero sa panayam naman ng TBST News, sinabi ng ama ng biktima na si Roden Gabayno na wala umanong nabanggit sa kaniya ang anak tungkol sa anumang relasyon nito sa suspek.

Itinanggi rin niya ang mga paratang ng suspek na bina-blackmail ito ng kaniyang anak at ang biktima pa umano ang unang nagtangkang manaksak.

“Alam niyo po, yung anak ko po ay pinalaki ko ng maayos. Ah, wala, wala siguro sa, wala sa hinahagap niya o sa, sa isip niya na mangdisgrasya ng tao or what. At dahil, ah, babae nga siya at mahina, siyempre,” ani Gabayno.

“Tsaka kung halimbawang gumawa man siya ng kwento, hindi niya naman mababali. Kasi kitang-kita eh, ebidensya, andun, pinatay niya. Kung anuman ang ginawa niya pa sa anak ko, wala siyang karapatan na magsalita kung ganun,” dagdag niya.

Wala rin umanong alam si Gabayno kung buntis ang kaniyang anak.

Sa kabila ng paghingi ng tawad ng suspek, iginiit ng ama na dapat itong managot sa krimeng ginawa.

“Ang gusto kong sabihin sa suspect, eh ‘di magsabi na lang siya ng totoo at yung, yun naman at– parang naguta, parang nagutan niya na lang rin kung anong, ah, ginawa niya lalo’t pastor siya. Dapat ay inalagaan niya yung, yung kanyang hinawakang, ah, titulo,” ayon kay Gabayno.

Samantala, sinabi ni Calapan City Police chief Lt. Col. Michael Caraggayan na hinihintay pa nila ang resulta ng autopsy upang matukoy kung buntis nga ba ang biktima.

Nasa kustodiya na ng Calapan City Custodial Facility ang suspek habang inihahanda na ng pulisya ang kasong murder laban sa kaniya.

Natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-1:15 ng madaling araw nitong Sabado sa isang masukal na bahagi ng Barangay Sapul, Calapan City.

Nakaburol naman ang labi ng biktima sa kanilang tahanan sa Barangay Labonan, Bongabong, Oriental Mindoro.

Kaugnay na Balita