Lumaktaw sa nilalaman
Martes, 10 Nobyembre 2026 10 Nob 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 9-3-4
MIMAROPA

Ama ng nursing student, iginiit na hindi kayang gawin ng anak ang pahayag ng suspek

Itinanggi rin niyang may kakayahan ang kaniyang anak na manakit ng ibang tao, lalo’t babae ito. Hindi rin pinaniwalaan ng ama ang pahayag ng suspek na ang kaniyang anak ang unang nagtangkang manaksak.

Nakaburol naman ang labi ng nursing student sa kanilang tahanan sa Barangay Labonan, Bongabong, Oriental Mindoro.doc elgin malaluan
I-share

BONGABONG, Oriental Mindoro –  Katarungan ang nais ng ama ng 20-anyos na nursing student na natagpuang patay sa Calapan City, Oriental Mindoro, matapos umanong aminin ng suspek na isang pastor ang pagpatay sa kaniyang anak.

Sa panayam ng TBST News, mariing itinanggi ni Roden Gabayno, ama ng biktima, ang mga pahayag ng suspek na nagkaroon s ng relasyon ang kaniyang anak  sa suspek at bina-blackmail umano ito dahil sa sinasabing pagbubuntis.

Ayon kay Gabayno, wala umanong nabanggit sa kaniya ang anak tungkol sa pagkakaroon nito ng relasyon sa suspek.

Itinanggi rin niyang may kakayahan ang kaniyang anak na manakit ng ibang tao, lalo’t babae ito.

“Alam niyo po, yung anak ko po ay pinalaki ko ng maayos. Ah, wala, wala siguro sa, wala sa hinahagap niya o sa, sa isip niya na mangdisgrasya ng tao or what. At dahil, ah, babae nga siya at mahina, siyempre,” ani Gabayno.

Hindi rin pinaniwalaan ng ama ang pahayag ng suspek na ang kaniyang anak ang unang nagtangkang manaksak.

“Tsaka kung halimbawang gumawa man siya ng kwento, hindi niya naman mababali. Kasi kitang-kita eh, ebidensya, andun, pinatay niya. Kung anuman ang ginawa niya pa sa anak ko, wala siyang karapatan na magsalita kung ganun,” dagdag niya.

Wala rin umanong alam si Gabayno kung buntis ang kaniyang anak.

Sa kabila ng paghingi ng tawad ng suspek, iginiit ng ama na dapat nitong harapin ang buong pananagutan sa krimen.

“Ang gusto kong sabihin sa suspect, eh ‘di magsabi na lang siya ng totoo at yung, yun naman at– parang naguta, parang nagutan niya na lang rin kung anong, ah, ginawa niya lalo’t pastor siya. Dapat ay inalagaan niya yung, yung kanyang hinawakang, ah, titulo,” ani Gabayno.

Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa Maynila ang suspek na isang pastor ng lokal na simbahan matapos matunton ng mga pulis sa isang simbahan sa Legarda Street, Quiapo.

Personal na nagtungo roon si Police Colonel Gerry Laylo, hepe ng Regional Intelligence Division ng MIMAROPA Regional Police Office, matapos makatanggap ng impormasyon na naroroon ang suspek.

Ayon kay Laylo, maayos na sumama ang suspek nang magpakilala siya rito. Nakatulong din umano ang pastor ng simbahan upang mahikayat itong sumuko.

Matapos ipaalam sa kaniya ang kaniyang mga karapatan, pinosasan ang suspek at dinala sa Calapan City.

Sa panayam ng TBST News, inamin ng suspek ang pagpatay sa nursing student at sinabing mahigit isang buwan umano silang nagkaroon ng relasyon.

Ikinatwiran niyang matagal umano siyang bina-blackmail ng biktima at pinipilit na kilalanin ang ipinagbubuntis nito kahit wala naman daw silang naging pagtatalik.

“Inamin ko po ang nagawa kong pagpaslang kay redacted. … Dahil na din po sa matagal niya pong pagbablackmail sa akin at laging pinipilit na sumama sa kanya at bumalik po sa kanya,” pahayag ng suspek.

“Ang inaano niya po kasi sa akin na buntis daw siya tapos ako ang ama kahit wala naman pong nangyari sa amin. Halos ilang buwan po yun na lagi niya pong sinasabi sa akin. Paulit-ulit lang po,” dagdag niya.

Ayon pa sa suspek, nagtungo siya sa Calapan City sa hiling umano ng biktima upang ayusin ang kanilang problema.

Sinundo pa umano siya ng biktima gamit ang hiniram na motorsiklo at nag-ikot sila hanggang makarating sa madilim na bahagi ng Barangay Sapul.

Doon umano sinabi ng biktima na iihi lamang ito sa madamong bahagi at pinilit siyang magpasama.

Pero ayon sa suspek, bigla umanong bumunot ng kutsilyo ang biktima at tinangka siyang saksakin hanggang sa mag-agawan sila sa patalim.

Ipinakita rin ng suspek ang mga sugat sa kaniyang mga kamay na ayon sa kaniya ay natamo niya nang salagin ang umano’y mga saksak ng biktima.

Nang makakuha umano ng pagkakataon, sinakal niya ang biktima hanggang mawalan ito ng malay bago pagsasaksakin sa leeg, dibdib at tiyan.

Itinanggi rin ng suspek na ginahasa niya ang biktima. Sinabi niyang ibinaba lamang niya ang pajama nito upang iligaw ang mga imbestigador.

Humingi rin siya ng tawad sa pamilya ng biktima at hiniling na huwag nang idamay ang kaniyang pamilya at ang pangalan ng ibang mga pastor.

Matapos ang krimen, sumakay umano ng barko ang suspek patungong Maynila.

Samantala, sinabi ni Calapan City Police chief Lt. Col. Michael Caraggayan na hinihintay pa nila ang resulta ng autopsy upang matukoy kung buntis nga ba ang biktima.

Nasa kustodiya na ng Calapan City Custodial Facility ang suspek at inihahanda na ang kasong murder laban sa kaniya.

Natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-1:15 ng madaling araw nitong Sabado sa isang masukal na bahagi ng Barangay Sapul, Calapan City.

Nakaburol naman ang labi ng nursing student sa kanilang tahanan sa Barangay Labonan, Bongabong, Oriental Mindoro.

Kaugnay na Balita