MANILA – Tinitingnang isa sa pinakamalakas na teorya ng mga imbestigador ang hindi maayos na pagkakasalansan ng breakbulk cargo, kabilang ang mga lithium battery at iba pang madaling magliyab at nakakaagnas na materyales, bilang posibleng pinagmulan ng sunog sa MV June Aster na ikinasawi ng 77 katao sa Coron, Palawan noong Setyembre 9.
Sa panayam sa programang “Yan Tayo” sa DZMM Teleradyo nitong Sabado, sinabi ni Maritime Industry Authority (MARINA) Enforcement Service Director at spokesperson Luisito Delos Santos, na nanguna sa maritime safety investigation, na nakitaan ng mga lithium battery ang mga kargamento at sinisiyasat ang posibleng papel ng mga ito sa pagsiklab ng apoy.
“Ang lithium iron batteries, once na nagkakaroon po siya ng interaction sa salt water, nagpo-produce po siya ng sunog,” ani Delos Santos.
“Yun po ang isa sa pinakamalakas na teorya po natin na kapag ang lithium battery, kapag nagkaroon ng salt water interaction, ay nag-i-spark po at mainit po ang cargo hold,” dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Delos Santos na ang breakbulk cargo ay mga indibidwal na kargamento na hindi nakalagay sa shipping container.
“Yung breakbulk cargo na sinasabi po natin, marami pong laman na flammable, corrosive, at the same time yung mga lithium iron batteries na binili po ng ating mga kababayan sa iba-ibang online platforms. Nakitaan din po natin na may mga rechargeable batteries na ginagamit po sa mga solar panels natin,” aniya.
EV NAKITANG MALAPIT SA PAINT THINNER, MGA KEMIKAL
Nakitaan din ng electric vehicle o EV ang barko, ngunit sinabi ni Delos Santos na hindi pa matukoy kung naging malaking salik ito sa sunog o kung dito mismo nagsimula ang apoy.
“Nakitaan din po natin ng EV pero yung katabi po na EV ay mga paint thinners, marami rin po na mga ginagamit pambahay kagaya ng Clorox, among others,” ani Delos Santos.
Binigyang-diin niya na kailangan pa ng masusing forensic examination upang matukoy ang aktuwal na pinagmulan ng sunog.
“Pero to claim po na yun ang pinagmulan ng sunog is something na kailangan po natin ng further investigation, ng forensic examination,” aniya.
PCG PATULOY ANG PAGHAHANAP SA 8 PASAHERO
Wala pa ring inilalabas na opisyal na resulta ang Philippine Coast Guard (PCG) sa kanilang maritime crime investigation.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, nagpapatuloy ang search and rescue operations para sa walong pasaherong hanggang ngayon ay nawawala, kabilang ang paghahanap sa mga hiwalay at malalayong isla sa lugar.
Patuloy rin ang case build-up ng PCG para sa posibleng pagsasampa ng criminal complaint laban sa kapitan ng barko, kabilang ang tinitingnang posibleng kapabayaan sa mga tauhang nakatalaga sa sasakyang-dagat.
Sinabi ni Cayabyab na hinihintay pa ng mga awtoridad ang opisyal na resulta ng forensic at medico-legal examinations. Isinasama rin sa case build-up ang mga dokumento at testimonya bago maisampa ang kaso sa National Prosecution Service.
Nauna nang naghain ang PCG ng criminal complaint sa Department of Justice laban sa kapitan ng MV June Aster kaugnay ng umano’y pamemeke ng mga pampublikong dokumento.
Samantala, nakatakdang hilahin ang MV June Aster mula Coron, Palawan patungong Bataan para sa safekeeping.