Lumaktaw sa nilalaman
Biyernes, 2 Oktubre 2026 2 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 4-2-9

Tamaraw ng Mindoro, nanganganib sa paglawak ng sakahan at pagdami ng imprastraktura

Sa datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), umabot sa 425 ang bilang ng Tamaraw na naitala sa Mounts Iglit-Baco Natural Park ngayong 2026, mula sa 380 noong 2025.

Hindi dapat gawing agricultural areas, residential areas o business areas ang mga lugar na dating grassland o forest land, lalo na kung bahagi ito ng tirahan ng Tamaraw.D'Aboville Foundation
I-share

Calapan City, Oriental Mindoro – Nananatiling malaking  banta sa critically endangered na Tamaraw sa Mindoro ang patuloy na pagbabago sa mga lugar na nagsisilbi nitong tirahan.

Ayon kay Mindoro Biodiversity Conservation Foundation Inc. (MBCFI) Executive Director Kathy Lene S. Cielo, kailangang maprotektahan ang natitirang tirahan ng Tamaraw dahil mabagal itong dumami at madaling maapektuhan kapag lumiit o nahati ang kanilang habitat.

Sa datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), umabot sa 425 ang bilang ng Tamaraw na naitala sa Mounts Iglit-Baco Natural Park ngayong 2026, mula sa 380 noong 2025.

Gayunman, patuloy na banta sa Tamaraw ang pagkasira ng kagubatan, paglawak ng mga sakahan at pagtatayo ng mga bahay, negosyo at imprastraktura sa kanilang habitat.

Ayon kay Cielo, hindi dapat gawing agricultural areas, residential areas o business areas ang mga lugar na dating grassland o forest land, lalo na kung bahagi ito ng tirahan ng Tamaraw.

Maaari rin umanong magdulot ng problema sa pagdami ng Tamaraw kung patuloy na liliit ang kanilang tirahan dahil mapipilitan silang manirahan sa mas maliit na lugar.

Nagbabala rin si Cielo laban sa pagpasok ng mga baka at kalabaw sa mga lugar na tinitirhan ng Tamaraw dahil maaari silang magdala ng mga sakit na maaaring makahawa sa wildlife.

Isa sa mga halimbawa nito ang rinderpest, isang sakit ng mga alagang hayop na sinasabing nakaapekto noon sa populasyon ng Tamaraw.

Patuloy naman ang MBCFI sa pakikipagtulungan sa mga komunidad, Indigenous Peoples at forest rangers sa pagbabantay at pangangalaga sa mga natitirang habitat ng Tamaraw.

Giit ni Cielo, mahalagang mapanatili at mapalawak ang lugar na maaaring tirhan ng Tamaraw upang mas magkaroon ito ng pagkakataong dumami at makabawi ang populasyon.

Kaugnay na Balita