SANTA CRUZ, Laguna — Hindi na nila kailangang itago ang kanilang mga ngiti dahil hindi na sila matatakot na pagtawanan dahil sa kawalan ng ngipin.
Ngayon muling nasilayan ang taglay na ganda ng kanilang ngiti dahil sa libreng pustiso na handog para sa mga kwalipikadong residente sa ilalim ng Free Denture Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna.
Isinagawa ang programa noong Oktubre 1 sa General Cailles Memorial District Hospital sa Santa Cruz.
Layunin ng programa na matulungan ang mga Lagunense na maibalik ang kanilang ngiti at mapabuti ang kalusugan ng kanilang mga ngipin nang hindi kailangang pasanin ang gastusin para sa pustiso.
Nagpasalamat ang mga benepisyaryo sa Pamahalaang Panlalawigan dahil nabigyan sila ng pagkakataong muling makangiti nang may kumpiyansa.
Ayon kay Gobernador Sol Aragones, dapat maging abot-kamay ng bawat Lagunense ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan, kabilang ang serbisyong dental na maaaring hindi kayang tustusan ng ilang pamilya.
Bahagi ang Free Denture Program ng patuloy na programa ng pamahalaang panlalawigan upang mapalawak ang serbisyong pangkalusugan at matulungan ang mas maraming residenteng nangangailangan ng tulong medikal at dental.
Bago mabigyan ng pustiso, sumasailalim muna ang mga benepisyaryo sa konsultasyon at pagsusuri ng mga health worker at dental professional upang matukoy ang kanilang pangangailangan.
Patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna ang mga programang naglalayong mapabuti ang kalusugan at kalidad ng buhay ng mga residente.
Sa pamamagitan ng libreng pustiso, mas maraming Lagunense ang nabibigyan ng pagkakataong makangiti at magkaroon ng dagdag na kumpiyansa sa kanilang sarili.