MAMBURAO, Occidental Mindoro — Kabilang sa mga pangunahing proyektong nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) para sa 2027 ang mga imprastraktura na nagkakahalaga ng tinatayang ₱385 milyon para sa bayan ng Mamburao.
Ayon kay Mayor E-K Almero, kabilang sa mga pangunahing proyektong pinagtrabahuhan ng Pamahalaang Bayan ng Mamburao ang mga seawall, drainage system, multipurpose buildings, at pagpapalit at pagpapalawak ng mga tulay at kalsada.
Iniharap ng DPWH District Engineering Office, sa pangunguna ni District Engineer Junie Lupango kasama ang mga hepe ng ahensya, ang mga proyektong inilaan para sa Mamburao.
Kabilang dito ang ₱50-milyong seawall sa Sitio Aroma, Barangay Tayamaan at ₱50-milyong seawall sa Sitio Dungon, Barangay Tayamaan.
May ₱120 milyon din para sa drainage project sa Barangay Payompon, partikular sa Capitol Road, Pag-asa Kaliwa at palabas sa Maasim Creek, na layong tugunan ang madalas na pagbaha sa lugar.
Nakapaloob din ang ₱50-milyong multipurpose building sa Barangay 8, Municipal Compound, na magsisilbing karagdagang espasyo para sa mga tanggapan ng munisipyo at mga national government agency.
May inilaan ding ₱25 milyon para sa drainage system sa Mamburao, na bahagi ng panukalang magkaroon ng karagdagang labasan ng tubig mula sa poblacion upang mabawasan ang pressure sa mga kasalukuyang outfall sa Payompon at Mamburao River.
Kasama rin sa mga proyekto ang ₱15-milyong multipurpose building sa Barangay Payompon, na gagamitin bilang mas malawak na pasilidad para sa komunidad.
Kabilang pa sa mga isinusulong ang pagpapalit ng tulay sa Lugay Bridge at pagpapalawak ng kalsada, bukod sa iba pang imprastraktura.
Ayon kay Almero, resulta ang mga proyekto ng patuloy na pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa DPWH District Engineering Office, DPWH Central Office at tanggapan ng kanilang kinatawan sa Kongreso.
Nasa NEP na ang mga panukalang proyekto ngunit kailangan pa itong maaprubahan at maisama sa General Appropriations Act (GAA) para sa Fiscal Year 2027 bago tuluyang maipatupad.
Sinabi ng lokal na pamahalaan na sinusuportahan ni Congressman Odiel F. Tarriela ang mga proyekto at nakahandang ipaglaban ang mga ito hanggang sa maging bahagi ng 2027 national budget.
Kapag naisakatuparan, inaasahang makatutulong ang mga proyekto sa pagbawas ng pagbaha, proteksyon sa mga baybaying lugar, pagpapahusay ng drainage system at pagpapalakas ng mga imprastraktura sa Mamburao.