POLA, Oriental Mindoro — Bilang bahagi ng nalalapit na Pailaw Festival ng Pola, binuksan na ang audition para sa Himig Poleño 2026 Singing Competition, at inaanyayahan ang mga Poleño na may talento, husay at pagmamahal sa pag-awit na makilahok at iparinig ang kanilang tinig sa buong bayan.
Kung may boses ka, talento at lakas ng loob na humarap sa entablado, ito na ang pagkakataon mo! Hinihikayat ang lahat ng Poleño, anuman ang edad, na lumahok at subukan ang kanilang galing sa pag-awit. Walang age limit—ang mahalaga ay ang iyong talento at determinasyon na makipagsabayan sa iba pang mahuhusay na mang-aawit ng Pola.
Isasagawa ang screening at audition sa Oktubre 9, 2026, alas-9 ng umaga sa Conference Hall, ikalawang palapag ng Pola Municipal Building.
Unang 30 kalahok na makapapasa sa screening ang magiging official participants ng kompetisyon.
Kailangang magdala ng valid ID, Certificate of Residency, o iba pang dokumentong magpapatunay na taga-Pola ang kalahok. Kailangan din nilang magdala ng minus-one para sa audition piece.
Mula sa 30 official participants, sasailalim ang mga ito sa elimination round. Sampu ang makapapasok sa semi-final round, habang lima ang uusad sa grand final round hanggang sa mapili ang nag-iisang Himig Poleño Champion 2026.
May ₱20,000 na premyo para sa kampeon, ₱15,000 para sa first runner-up at ₱10,000 para sa second runner-up. May nakalaan ding mga premyo para sa iba pang finalists at kalahok.
Kaya ano pang hinihintay mo, Poleño? Huwag palampasin ang pagkakataong maipamalas ang iyong talento! Maghanda, humarap sa audition at iparinig ang iyong boses sa entablado ng Himig Poleño 2026.
Para sa pagpapalista at karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan kay Mr. Alvin Saet Dimasacat o magtungo sa Pola Tourism Office.
Inihahandog ang Himig Poleño 2026 ng Lokal na Pamahalaan ng Bayan ng Pola sa pamumuno ni Mayor Jennifer Mindanao Cruz.