MANILA — Pumanaw noong umaga ng Setyembre 27 ang beteranong radio personality na si DJ Martin D, o Martin Oliver Solis Dipasupil, sa edad na 56.
Nagbigay-pugay sa kanya ang mga dati at kasalukuyang personalidad sa radyo, kabilang si Eva Ronda ng ABS CBN MOR 101.9, na itinuring si Martin D bilang isa sa mga taong naging mahalaga sa kanyang paglalakbay bilang radio DJ.
Sa isang madamdaming post sa Facebook, sinabi ni Eva na kabilang si Martin D sa mga unang naniwala sa kanyang kakayahan noong estudyante pa lamang siya at nangangarap na makapasok sa industriya ng radyo.
“Para sa taong naniwala sa kakayahan ko that one day I can make it sa Philippine Radio kahit estudyante pa lang ako noon…”
Ayon kay Eva, si Martin D ang nagparecord sa kanya ng maraming stingers at voice-over, kabilang ang paborito niyang linya:
“Saan ka Tatambay ngayong summer?! Sa Tambayan 101.9 For Life!”
Itinuring din ni Eva si Martin D bilang isa sa kanyang mga naging mentor, na gumabay sa kanya kung paano maging mahusay na voice-over announcer at radio DJ.
Naalala rin niya ang kanilang mga kuwentuhan bilang magkabanter tuwing Linggo sa programang “YawsaLinggo,” at ang palagi nitong paalala sa kanya na galingan ang lahat ng kanyang ginagawa.
Ayon kay Eva, dadalhin niya sa kanyang puso at isipan ang mga aral, payo at paalalang ibinahagi sa kanya ni Martin D.
Sinabi rin niyang isa si Martin D sa mga dahilan kung bakit niya naabot ang isa sa kanyang mga pangarap.
PAMILYA, NAGPAABOT NG PASASALAMAT
Kinumpirma naman ng anak ni Martin D na si Yey Carteciano ang pagpanaw ng kanyang ama noong Setyembre 27.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Yey na patuloy pa ring pinoproseso ng kanilang pamilya ang masakit na pagkawala, habang nagpasalamat sa lahat ng nagpaabot ng pakikiramay, panalangin at suporta.
Nagpasalamat din ang pamilya sa mga nagbigay-pugay kay Martin D at nagbahagi ng kanilang mga alaala tungkol sa beteranong radio personality.
Ayon sa pamilya, malaking kaaliwan para sa kanila na makita kung gaano kamahal si Martin D at kung gaano karaming buhay ang kanyang naantig sa kanyang mahabang karera sa radyo.
MGA KASAMAHAN SA RADYO, NAKIRAMAY
Nagbigay rin ng kanya-kanyang tribute ang mga dating MOR DJs na sina DJ ChaCha at DJ JhaiHo.
Tinawag ni DJ ChaCha si Martin D na isa sa mga haligi ng FM radio at pinasalamatan sa saya, musika at mga alaalang iniwan nito sa ere.
Samantala, ibinahagi ni DJ JhaiHo kung paano niya unang nakilala si Martin D bilang isa sa mga boses na naririnig niya sa radyo noong bata pa siya, hanggang sa makasama niya ito sa MOR 101.9.
Nagpasalamat si JhaiHo sa mga aral at paggabay ni Martin D, lalo na sa mga bagong DJ na nagsisimula pa lamang sa industriya.
Nagpaabot din ng pakikiramay si DZMM Radyo Patrol 630’s Mr. Right, na inalala si Martin D hindi lamang bilang kapwa radio personality kundi bilang isang kaibigan.
Para sa mga kasamahan at dating katrabaho, iniwan ni Martin D ang isang mahabang pamana sa Philippine radio industry—mula sa kanyang natatanging boses at personalidad hanggang sa mga aral na ibinahagi niya sa mga sumunod na henerasyon ng mga radio DJ.