LAGUNA – Arestado na ang 56-anyos na lalaking matagal nang pinaghahanap ng mga awtoridad kaugnay sa pagpatay sa mag-live-in-partner sa Mabitac, Laguna noong 2024.
Kinilala ang suspek na si Isagani Hiyas, na natunton ng mga tauhan ng Mabitac Police at Regional Intelligence Division ng CALABARZON Police sa isang tindahan sa Barangay 61, Real, Quezon.
Ayon sa pulisya, binaril umano ni Hiyas ang mag-live-in partner na sina William Talisik at Margie Serrano sa harap ng kanyang bahay sa Barangay Namunga, Mabitac noong Hulyo 10, 2024.
Nagpasalamat naman ang ina ni Margie na si Marilou Serrano matapos maaresto ang suspek.
“Ngayon pong nahuli na yung suspect, magkakamit na po sila ng katarungan na mag-asawa. Ang battle na lang pong namin ngayon yung court battle. Mabuloak siya. Kung kailangan kailangan po, sa Muntinlupa nga yan idala na.” sabi ni Marilou.
Samantala, iginiit ni Hiyas na self-defense ang nangyari.
Ayon sa suspek, inatake, ininsulto at pinahiya umano siya ng mga biktima sa harap ng kanyang bahay. Sinabi rin niyang armado umano ang mga ito ng baril at kutsilyo.
Ikinuwento ni Hiyas na nagkaroon ng agawan at pakikipagbuno sa pagitan nila ng lalaking biktima.
“Sa pag-aagawan ho namin, hindi sinasadyang tinamaan yung asawa niyang babae, tapos yung lalaki bumagsak po kami, nagkakagaawan pa rin po kami, nakadalawa hong putok, yun pangatlong putok yun po ang lalaki po ang tinamaan.” sabi ng suspek.
Ayon sa pulisya, alitan sa negosyo ng handicrafts ang krimen.
Naglabas ng warrant of arrest ang Regional Trial Court Branch 166 sa Siniloan, Laguna para sa dalawang bilang ng murder laban sa suspek.
Ayon kay PBGen Dominic Baccay, regional director ng CALABARZON Police, palipat-lipat umano ng lugar si Hiyas upang makaiwas sa pagkakaaresto.
“At pagkatapos niyang patayin itong mga biktima, yung mag-asawa, nagpalipat-lipat ng lugar ito. Pumunta ng Bicol at kung saan-saang lugar para hindi siya matuntun. Pero again, eventually, nahuli natin siya sa Real, Quezon.”
Nakapiit na ngayon si Hiyas sa Mabitac Police Station.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang paglaya ng suspek.