Lumaktaw sa nilalaman
Linggo, 4 Oktubre 2026 4 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 9-9-6
National

Sablayan,kumatawan sa Pilipinas sa Ginseng Festival sa South Korea

Tatlong taon nang may ugnayan ang Sablayan at Geumsan-gun matapos lumagda sina Marquez at dating Geumsan-gun Governor Park Beom-in sa isang kasunduan para sa pagtutulungan sa larangan ng agrikultura.

Ang delegasyon ng Sablayan LGU sa pangunguna ni Mayor Bong Marquez na dumalo sa 44th Geumsan World Ginseng Festival sa Geumsan-gun County, South KoreaMAYOR BONG MARQUEZ
I-share

SOUTH KOREA — Kinatawan ng Bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro  ang Pilipinas sa 44th Geumsan World Ginseng Festival sa Geumsan-gun County, South Korea noong Oktubre 2, 2026.

Personal na inimbitahan ng pamahalaan ng.  Geumsan-gun si Sablayan Mayor Bong B. Marquez para dumalo sa pagbubukas ng festival at iba pang aktibidad nito.

Tatlong taon nang may ugnayan ang Sablayan at Geumsan-gun matapos lumagda sina Marquez at dating Geumsan-gun Governor Park Beom-in sa isang kasunduan para sa pagtutulungan sa larangan ng agrikultura.

Nakiisa rin ang Sablayan sa World Agri Trade Fair at iba pang aktibidad ng festival na dinaluhan ng libo-libong delegado mula sa iba’t ibang lugar.

Ayon sa pamahalaang bayan, Sablayan ang tanging bayan mula sa Pilipinas na inimbitahan sa naturang pagdiriwang.

Bilang bahagi ng pagbisita, nakipagpulong si Marquez kay Geumsan-gun Deputy Governor Cho Jin-bae para talakayin ang posibilidad ng mas malawak na kooperasyon sa pagitan ng dalawang lugar.

Ibinahagi rin ni Marquez ang ilang programa at paraan ng pamamahala ng Sablayan, habang ipinagmalaki naman ng mga opisyal ng Geumsan ang ambag ng mga manggagawang mula Sablayan sa kanilang sektor ng agrikultura.

Napag-usapan din ang posibilidad na madagdagan ang bilang ng mga seasonal worker mula Sablayan na maaaring magtrabaho sa South Korea.

Naipaabot din ng delegasyon ng Sablayan ang interes ng Bayan ng Paluan, sa pangunguna ni Mayor Michael “Adobo” O. Diaz, na makilahok sa Seasonal Workers Program.

Samantala, tiniyak ng mga opisyal ng Geumsan ang kanilang pagdalo sa 125th Founding Anniversary ng Sablayan sa Enero 2027.

Nakipagkita rin si Mayor Marquez sa ilang opisyal ng South Korea, kabilang sina National Assembly Representative Hwang Myeong-seon at South Chungcheong Province Governor Park Soo-hyun.

Kasama ng alkalde sa biyahe ang kanyang maybahay na si Engr. Maelynne S. M. Marquez at ilang opisyal ng pamahalaang bayan ng Sablayan.

Kaugnay na Balita