MABINI, Batangas — Dalawang pamilya ang inilikas matapos gumuho ang malaking bahagi ng gilid ng bundok sa Barangay San Teodoro, Mabini, Batangas, nitong Biyernes ng hapon.
Ayon sa Mabini Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), naapektuhan ng pagguho ang bahagi ng Bauan-Mabini Road at riprap sa Sitio Guitisan at Sitio Balanoy, dahilan para pansamantalang ipasara ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kalsada.
Bandang alas-6 ng gabi nang mangyari ang pagguho, ngunit ilang oras bago nito ay napansin na ng mga residente ang paglabas ng tubig sa kalsada.
Sa isinagawang inspeksyon ng DPWH, nakita rin ang umaagos na tubig mula sa itaas na bahagi ng bundok.
Ayon sa MDRRMO, posibleng naging dahilan ng pagguho ang sobrang basang lupa dulot ng mga pag-ulan na naranasan nitong mga nakaraang araw dahil sa habagat.
Bukod sa kalsada, natumba rin ang apat na poste ng Batangas Electric Cooperative II (BATELEC II), na nagresulta sa pagkawala ng suplay ng kuryente sa dalawang barangay.
Tinatayang nasa 200 metro ang haba ng gumuhong bahagi ng lupa.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.