MANILA — Handa ang Commission on Elections (Comelec), kapwa sa aspeto ng pondo at operasyon, sakaling maglabas ng desisyon ang Supreme Court kaugnay ng petisyong kumukuwestiyon sa batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, nakahanda ang komisyon sa anumang magiging aksyon ng Korte Suprema kaugnay ng petisyong humihiling ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad ng batas.
“Ang importante po, whatever the Supreme Court will release by tomorrow, the Comelec naman po is prepared just in case,” ani Garcia sa budget hearing ng Comelec sa Senado nitong Lunes.
Nagsampa naman nitong Linggo sa pamamagitan ng electronic filing si election lawyer Romulo Macalintal ng petisyon sa Supreme Court. Kinuwestiyon niya ang umano’y mabilis na pagpasa sa batas nang hindi nabigyan ng sapat na pagkakataon ang publiko na masuri ang panukala.
Sinabi ni Garcia na kung maglalabas ng TRO ang Supreme Court, hindi na matutuloy ang halalan sa orihinal nitong iskedyul na Nobyembre 2 dahil nauna nang naglabas ang Comelec ng kautusan na ihinto ang lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa halalan.
“Pero sa part po ni Comelec, pinahinto na po namin kaagad ang lahat ng aktibidad in relation to the 2026 barangay and SK election ng November 2 bilang pagkilala na may bago na po tayong batas,” ani Garcia.
Dagdag niya, maaaring umabot ng hanggang dalawang linggo ang proseso depende sa magiging desisyon ng Korte Suprema.
“And therefore, baka po abutin nyo na mga hanggang dalawang linggo,” dagdag ni Garcia.
Samantala, umabot na sa ₱8 bilyon ang nagastos ng Comelec para sa paghahanda sa BSKE, kabilang ang mga kagamitan, balota at manpower.
Ayon kay Garcia, karamihan sa posibleng masayang gastusin ay maaaring mapunta lamang sa manpower, habang maaari pang gamitin sa mga susunod na halalan ang mga kagamitan at suplay na na-procure na ng komisyon.
“Yung po lahat ng mga gamit na na-procure na Comelec, pwede po natin magamit lang basta po ma-safekeep, ma-warehouse, nang maayos,” aniya.
Maaari rin umanong ilaan sa paghahanda para sa 2028 national elections ang anumang hindi magagamit na pondo para sa BSKE.
Samantala, ₱29.5 bilyon ang panukalang 2027 budget ng Comelec sa ilalim ng National Expenditure Program. Mas mataas ito ng 46 porsiyento kumpara sa nakaraang alokasyon, bunsod sa malaking bahagi ng pondo para sa paghahanda sa 2028 elections.