STA. MARIA, Romblon — Sugatan ang 13 pasahero, kabilang ang apat na bata, matapos tumagilid ang isang pampasaherong jeepney sa Sitio Bagacuta, Barangay Paroyhog, Sta. Maria, Romblon nitong Miyerkoles ng umaga.
Ayon kay Sta. Maria Municipal Police Station chief PMaj. Francis Rey Manito, dakong alas-9:35 ng umaga nang mangyari ang aksidente.
Mula sa bayan ng Looc ang jeepney at patungo sana sa San Agustin nang mawalan umano ng preno habang pababa sa isang matarik na bahagi ng kalsada.
Agad umanong sumigaw ang driver at pinaghanda ang mga pasahero na tumalon matapos niyang mapansing hindi na kumakagat ang preno ng jeepney.
Dahil may malalim na bangin sa kanan gilid ng kalsada, pilit na ikinabig ng driver pakaliwa ang jeepney upang ibangga na lamang ito sa poste ng linya ng telepono at maiwasang mahulog sa bangin.
Gayunman, tumagilid ang jeepney matapos tumama sa isang kanal sa gilid ng kalsada.
Agad isinugod sa Sta. Maria Rural Health Unit ang mga sugatang pasahero para malapatan ng lunas.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang 30-anyos na driver habang hinihintay kung magsasampa ng reklamo ang mga pasahero.