MANILA – Pinaiigting ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga hakbang pangkalusugan ng pamahalaan upang maprotektahan ang publiko laban sa inaasahang matinding init na maaaring idulot ng lumalakas na Super El Niño.
Sa press briefing nitong Miyerkoles sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan, health offices, paaralan, mga lugar ng trabaho at mga komunidad upang mapaghandaan ang posibleng epekto ng extreme heat.
Kabilang sa mga hakbang ang pagtiyak sa sapat na hydration, cooling measures, health monitoring, at assistance para sa mga vulnerable sector.
Partikular na tinututukan ang mga bata, matatanda, outdoor workers, at mga taong may mga kondisyon sa kalusugan na maaaring maapektuhan ng matinding init.
Ayon kay Castro, kabilang sa pangunahing health risks na tinututukan ng pamahalaan ang extreme heat at dehydration.
Samantala, nagbabala ang PAGASA na inaasahang lalakas pa ang El Niño at maaaring umabot sa “very strong” category sa mga susunod na buwan at magpatuloy hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Dahil dito, inaasahan ang mas mataas na posibilidad ng below-normal rainfall, dry spells at drought sa ilang bahagi ng bansa.