SAN PASCUAL, Batangas – May bagong fire truck ang bayan ng San Pascual, Batangas na personal na inihatid ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto sa turnover ceremony nitong Miyerkoles.
Tinanggap nina Mayor Roanna Dinglasan Conti, Vice Mayor Roumel Aguila at mga miyembro ng Sangguniang Bayan ang bagong fire truck na na inaasahang magpapalakas sa fire protection, emergency response at disaster preparedness ng Bureau of Fire Protection ng San Pascual.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamahalaang bayan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa patuloy na suporta sa mga pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan, lalo na sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga mamamayan.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, magsisilbing dagdag na kagamitan ang fire truck sa mabilis na pagtugon sa mga emergency at insidenteng may kinalaman sa sunog sa komunidad.
Kasabay ng pagbisita ni Gov. Santos-Recto ang pamamahagi ng Provincial Assistance for Community Development – Financial Assistance to Various Barangays, na naglalayong magbigay ng suporta sa mga barangay ng San Pascual para sa kanilang mga pangangailangan at proyekto.