MANILA – Nagsampa na ang Philippine Coast Guard (PCG) ng unang kasong kriminal kaugnay ng trahedyang kinasangkutan ng MV June Aster, na ikinasawi ng 77 katao sa karagatan ng Coron, Palawan.
Isinumite ng PCG sa National Prosecution Service (NPS) ng Department of Justice (DOJ) sa Maynila noong Setyembre 23, 2026 ang reklamo laban kay Captain Roel Sarmiento, kapitan ng MV June Aster, para sa falsification of public documents sa ilalim ng Article 172 ng Revised Penal Code.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, may kinalaman ang reklamo sa mga dokumentong isinumite ni Sarmiento bilang bahagi ng Master’s Declaration of Safe Departure (MDSD), partikular sa idineklarang bilang ng mga taong sakay ng barko.
Sinabi ng PCG na ito pa lamang ang unang kaso sa serye ng mga reklamong inihahanda laban sa mga posibleng managot sa insidente. Nakabatay ang mga susunod na reklamo sa mga ebidensiyang nakalap habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nasa pagsusuri na ngayon ng NPS ang inihain na reklamo. Kapag nakita nitong sapat ang mga ebidensiya, idodokumento ito at pormal na isasailalim sa preliminary investigation.
Samantala, patuloy ang PCG sa pagbibigay ng libreng tulong legal sa mga pamilyang apektado ng trahedya.
Nagpapatuloy rin ang paghahanap sa walong nawawalang indibidwal sa pamamagitan ng aerial search operations sa karagatan ng Palawan at Southern Tagalog.
Kasabay nito, nakikipag-ugnayan ang Atienza Interisland Ferries Inc. at ang kanilang kinuha na salvor na C.V. Gaspar Salvage and Lighterage Corp. para mapabilis ang salvage operation sa MV June Aster.
Batay sa pinakahuling datos ng Emergency Operations Center hanggang Setyembre 28, 2026, 77 katao ang nasawi, 43 ang nakaligtas at walong iba pa ang nananatiling nawawala matapos ang insidente sa karagatan ng Coron, Palawan.