Camp Crame — Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga tauhan nitong mag-ingat sa pagpapahayag ng politikal na opinyon sa social media, kasunod ng umano’y post ng isang police corporal na nakatalaga sa Region 13 tungkol sa mga panukalang pagbabago sa Konstitusyon.
Ayon sa PNP, bineberipika pa nito kung tunay na pagmamay-ari ng naturang pulis ang social media account na naglabas ng pahayag.
Sinabi ni PNP Public Information Office chief PCol. Allen Rae Co na kung mapatutunayang ang pulis nga ang gumawa ng post, maaari itong maging paglabag sa Code of Professional Conduct and Ethical Standards ng PNP, partikular sa panuntunang nagsusulong ng political neutrality ng mga tauhan nito.
Binigyang-diin ni Co na may karapatan ang mga pulis na magkaroon ng sariling paniniwala at opinyon, pero kailangan nilang tiyaking hindi makokompromiso ng kanilang mga pahayag ang pagiging neutral ng buong organisasyon.
Iginiit din ng opisyal na tagapagpatupad ng batas ang mga pulis at hindi mga mambabatas. Tungkulin umano ng PNP na ipatupad ang umiiral na batas, anuman ang nilalaman nito.
Samantala, sinabi ng PNP na susuriin muna ang naturang post at ang kabuuang pangyayari bago matukoy kung may paglabag at kung anong kaukulang aksiyon ang maaaring ipataw.
Ayon kay Co, administratibong usapin ito at maaaring sumailalim sa disciplinary proceedings sa ilalim ng Republic Act No. 6975.
Gayunman, nilinaw ng PNP na hindi pa nangangahulugan na matatanggal sa serbisyo ang naturang police corporal.
Dadaan muna sa kaukulang proseso at pagdinig upang matukoy kung ang umano’y pahayag ay lumabag sa mga panuntunan at kung anong parusa, kung mayroon man, ang nararapat.
Patuloy na iginiit ng PNP na kailangang manatiling neutral, propesyonal at naaayon sa pamantayang etikal ang mga tauhan nito sa kanilang kilos at pahayag, lalo na sa mga usaping may kinalaman sa pulitika.