LAGUNA — Mariing itinanggi ng WeHope Medical Group ang mga alegasyon ng iregularidad laban dito at kay Laguna Gov. Sol Aragones kaugnay ng libreng chemotherapy program ng pamahalaang panlalawigan.
Sa inilabas na pahayag nitong Martes, Oktubre 13, iginiit ng WeHope Medical Group na walang pondong mula sa provincial government ang ginagamit para sa libreng chemotherapy treatment ng mga pasyenteng may cancer.
Kasunod ito ng reklamong isinampa laban sa medical group at kay Aragones ng sinibak na empleyadong si Jonel Osio, kasama sina Provincial Board Members Karla Adajar-Lajara at Lorenzo Zuñiga.
Ayon sa WeHope, layunin ng kanilang partnership sa pamahalaang panlalawigan na mabigyan ng libreng gamutan ang mga pasyenteng taga-Laguna, nang walang anumang gastos na ipapasa sa mga benepisyaryo.
Marami na umanong residente ang kasalukuyang sumasailalim sa chemotherapy sa ilalim ng programa, habang ang ilan ay nakatapos na o malapit nang matapos sa kanilang gamutan.
Samantala, iginiit ni Aragones na bahagi umano ng tuloy-tuloy na paninira sa kaniya ang mga reklamong inihahain laban sa kaniyang administrasyon.
“They have made me their project — every day they look for faults, even if they are fabricated, just to discredit me,” ani Aragones.
Hindi ito ang unang pagkakataong nagharap ng alegasyon ang naturang grupo. Sa nauna nilang reklamo, idinadawit din ang PARC Review Center kaugnay ng mga scholarship at review assistance program ng pamahalaang panlalawigan.
Binigyang-diin ng WeHope Medical Group, bilang pribadong katuwang ng provincial government, na walang iregularidad sa mga programang kanilang ipinatutupad at walang maling paggamit ng pondo ng publiko.
Itinuring din ng grupo na walang batayan ang mga alegasyong isinampa laban sa kanila.
Muling iginiit ni Aragones ang kaniyang paninindigan laban sa anumang alegasyon ng pagnanakaw sa kaban ng bayan.
“I will never steal the people’s money,” ayon sa gobernador.