MANSALAY, Oriental Mind0ro – Arestado ang tatlong indibidwal na umano’y nagsasagawa ng ilegal na pagmimina sa Mansalay, Oriental Mindoro, nitong Lunes ng hapon, Oktubre 12.
Ayon sa pulisya, naaktuhan ang mga suspek sa Sitio Villarosa, Barangay Sta. Maria, habang nagsasagawa ng pamimina ng walang kaukulang permit.
Nasamsam sa operasyon ang isang chipping gun, electric blower, 50-meter extension wire, pulley assembly, at isang sako ng mga sample ng lupa at bato.
Dinala sa Mansalay Municipal Police Station ang mga suspek at mga nakumpiskang kagamitan para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.
Posibleng maharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 102 ng Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995, kaugnay ng umano’y ilegal na eksplorasyon ng yamang mineral.
Ayon kay Oriental Mindoro Police Provincial Office Director PCOL Efraim A. Camara, hindi nila palalampasin ang mga ilegal na aktibidad na lumalabag sa batas at maaaring makapinsala sa likas na yaman ng lalawigan.