STA. CRUZ, Laguna – Nananatiling buo pa rin ang suporta ng mga mayor ng Laguna kay Gov. Sol Aragones sa harap ng patuloy na pagtatangka na sirain ang pangalan ng gobernadora ng mga kalaban sa pulitika.
Inihayag ng mga mayor sa pangunguna ni Rizal Mayor at League of Municipalities of the Philippines (LMP) – Laguna Chapter President Mayor Vener P. Muñoz na hindi nagbabago ang kanilang pagsuporta kay Aragones sa kabila ng mga umano’y mga walang basehang kaso na isinampa sa Ombudsman.
“kung anuman po ang mga tsismis-tsismis andito po kami at nagkakaisa na sumuporta sa inyo ” sabi ni Muñoz.
Isa-isa rin nagbigay ng mensahe ng pagsuporta kay Aragones ang iba pang mayor .
Sinabi ni Pila Mayor Queen Alarva na hindi na dapat pa pinapansin ang mga naninira kasabay ang pagtiyak na mananatili silang kasama ng gobernadora sa lahat ng laban.
“focus lang tayo sa tunay na kalaban dahil kailangang mas maraming solusyonan ,kasama nyo po kami anumang laban ang kakaharapin nyo ” sabi ni Alarva.
“Naniniwala kami na ang mabuting adhikain kailanman ay hindi matatalo. 101 % ang suporta” dagdag pa niya.
Isang resolusyon naman ang ginawa ng bayan ng Pagsanjan na nagpapahayag ng suporta kay Aragones na binasa ni Mayor Jan Garcia.
“sa nagkakaisa pong bayan ng Pagsanjan ,lahat po ng council members at vice mayor ay gumawa po ng resolusyon para sa inyo” sabi ni Mayor Garcia.
Para naman kay Paete Mayor at LMP -Laguna Chapter Vice President Ronald Cosico, iisa lamang ang laman ng kanilang puso.
“Ang aming mga puso buksan man ay makikita nyo kulay pula ang aming puso, hindi kami magbabago ” sabi ni Mayor Cosico.
Sinabi naman ni Magdalena Mayor Jun Lapada na, walang sinuman ang makakapagpabagsak sa isang taong may mabuting hangarin para sa Laguna.
“Gov. Sol, lalo lang idinidiin, lalo kang pinopokpok ,lalo kang tumitibay, lalo kang gumaganda. hindi ka nila puwdeng durugin ” sab ni Mayor Lapada.
Pagtiyak naman nina Mabitac Mayor Alberto Reyes at Pakil Mayor Unad Hildalgo na laging nakasuporta sila sa gobernadora.
“Kami po ay naniniwala na anuman pagsubok ang dumating sa inyo ay kayang-kaya mo malampasan , at kami sa LMP ay laging nakasuporta anuman pagsubok ang dumating” sabi ni Mayor Reyes.
“kung anuman po ang inyong pinagdaraanan asahan nyo po at patuloy kaming susuporta” sabi ni Mayor Hidalgo.
Kasabay naman ng pagpapahayag ng buong suporta, nagpasalamat din si Majayjay Mayor Romy Amorado sa mga proyekto na ipinagkakaloob ni Aragones.
“andiyan ang inyong botika, medical and dental mission, ang food pantry ” sabi ni Mayor Amorado.
Lubos naman ang pasasalamat ni Gov. Aragones sa mga mayor na nagpahayag ng buong suporta sa kaniyang administrasyon.
Sabi ni Aragones, simple lang naman ang gusto niya na matulungan ang lalawigan ng Laguna pero hindi pala niya alam na magiging napakakumplikado nito dahil sa mga pwersa na nais siyang pabagsakin.
“pero inihanda ko na rin ho ang sarili ko sa mga pangyayaring ito talagang walang tigil ang mga kalaban sa paghanap ng butas para simpleng mapabagsak ang gobyernong may solusyon pero huwag ho nilang kalimutan , ang kuwento ng buhay ko ay dumadaan muna sa matinding hirap bago ang tagumpay” sabi ni Aragones.
Dagdag pa ng gobernadora kahit araw-araw na siyang ginawang project ng mga kalaban sa pulitika ay hindi niya sasayangin ang tiwala ng mga taga-Laguna sa kaniya.
“sa pagsubok na ito na ibinabato sa akin ngayon, hindi naman ako papayag na ang pinaghirapan ko ng tatlong taon ,at another 3 years ng pangangampanya at sinumpaan ko tungkulin sa lalawigan ng Laguna ay masira lang ng ganoon ganoon na lamang” sabi niya.
Tiniyak ni Aragones na patuloy siyang nakatutok sa mga trabaho na ikabubuti ng Laguna.
” habang binabatikos ako ay nakafocus lang ako, nakatingin ako sa isang direksyon kung bakit ako ipinanalo ng taumbayan, kung makikita nyo sa social media at sa mga taong pumupunta dito, hindi nabawasan ang tiwala ng taumbayan lalo pa silang nagpakita ng pagmamahal kaya lalo pa hong umiigting ang damdamin ko para tuparin ang pangako ko sa kanila. hindi naman ho ako narito para sa mga taong ayaw sa akin” sabi pa ni Aragones.
Pagtiyak ng LMP Laguna Chapter, lahat sila ay nagkakaisa sa pagsuporta kay Aragones para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng lalawigan.