Lumaktaw sa nilalaman
Martes, 13 Oktubre 2026 13 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 4-7-6
BREAKING

60 biktima sa nasunog na MV June Aster sa Coron,Palawan, nakilala na

Gayunman, wala pa ring bangkay na pormal na na-claim ng mga pamilya, sa kabila ng pagkakakilanlan sa karamihan ng mga biktima.

Isa-isang kinukuha ng mga search and rescue workers ang labi ng mga biktima sa nasunog na MV June Aster sa Coron, Palawan noong September 9,2026.PHILIPPINE COAST GUARD / FILE
I-share

MANILA  — Labing-isa na lamang sa mga nasawi sa sunog sa pampasaherong barkong MV June Aster sa Coron, Palawan, ang hindi pa nakikilala, mahigit isang buwan matapos ang trahedya.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, 60 sa mga nasawi ang nakilala sa pamamagitan ng DNA analysis na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) Forensic Group. Patuloy namang pinoproseso ang pagkakakilanlan ng 11 pang bangkay na nasunog sa insidente.

Gayunman, wala pa ring bangkay na pormal na na-claim ng mga pamilya, sa kabila ng pagkakakilanlan sa karamihan ng mga biktima.

Ayon kay Cayabyab, nakipag-ugnayan na ang Emergency Operations Center (EOC) sa Coron sa 60 pamilya kaugnay ng proseso ng pagkilala at pagkuha sa mga labi.

Dalawa sa mga kinatawan ng pamilya ang personal nang nagtungo sa EOC upang asikasuhin ang mga kinakailangang dokumento, ngunit wala pang pormal na naiuuwi na labi ng mga nasawi.

Bilang tulong sa mga kaanak, nagtatag ang lokal na pamahalaan ng Coron ng one-stop assistance desk sa EOC sa munisipyo upang mapabilis ang pagproseso ng mga dokumentong kailangan sa pag-claim ng mga labi.

Bukas ang assistance desk mula Lunes hanggang Huwebes, alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

Umabot sa 77 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa trahedya ng MV June Aster noong Setyembre 9. Sa mga ito, 71 ang una nang nahirapang kilalanin dahil sa matinding pagkasunog ng kanilang mga katawan nang makuha ang mga labi.

Pansamantalang nakalibing ang mga labi ng mga nasawi sa isang temporary burial site sa San Nicolas Public Cemetery sa Coron, Palawan.

Kaugnay na Balita