MAGSAYSAY, Occidental Mindoro – Nasabat ng mga awtoridad ang 20 baboy na tangkang ipuslit papasok sa bayan ng Magsaysay, Occidental Mindoro, sakay ng isang bangka noong Linggo.
Ayon sa Municipal Agriculture Office ng Magsaysay, agad na nagreport ang mga residente matapos mamataan ang isang bangka na nagbababa ng mga baboy sa dalampasigan ng Barangay Sibalat.
Agad namang rumesponde ang Provincial Veterinary Office, Magsaysay Municipal Police Station at Barangay Council ng Sibalat upang inspeksyunin ang mga nasabat na hayop.
Sa paunang pagsusuri, napag-alamang nagmula sa ibang lalawigan ang mga baboy at walang kaukulang dokumento para sa kanilang pagpasok at pagbiyahe sa Occidental Mindoro.
Mahigpit na ipinapatupad ng Task Force African Swine Fever (ASF) ang executive order na pansamantalang nagbabawal sa pagpasok ng mga buhay na baboy mula sa ibang lalawigan, kabilang ang Oriental Mindoro.
Layunin ng pagbabawal na maiwasan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) at maprotektahan ang lokal na industriya ng paghahayupan.
Dahil sa paglabag sa umiiral na kautusan, ipinag-utos ang depopulation o pagpatay sa 20 nasabat na baboy, kasunod ang agarang paglilibing sa mga ito.
Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng mga awtoridad upang maiwasan ang pagpasok ng mga baboy na walang kaukulang dokumento at maprotektahan ang mga alagang baboy sa Magsaysay at sa buong lalawigan ng Occidental Mindoro laban sa ASF.