BABALA: MASELAN ANG PAKSA NG BALITA. MAGING MAINGAT AT DISENTE SA PAG-KOMENTO!
Bacoor City, Cavite — Mismong asawa at tatlong anak ang suspek sa pagpatay sa isang 57-anyos mister na tindero na natagpuang tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa loob ng kanilang bahay sa Bacoor City, Cavite.
Ayon sa Bacoor City Police, natagpuan ang katawan ng biktimang si alyas Manuel bandang alas-otso ng umaga nitong Linggo sa kanilang tahanan sa Bagong Silangan, Barangay San Nicolas 3.
Duguan ang mukha ng biktima at mayroon itong mga saksak sa katawan.
Inaresto ng mga awtoridad ang asawa ng biktima na si alyas Marlyn, 62-anyos, at ang tatlo nilang anak na sina alyas Margie, 24-anyos; alyas Marlon, 38-anyos; at alyas Candy, 33-anyos.
Batay sa imbestigasyon, nakarinig umano ng komosyon at tila tunog ng pagsuntok ang isang testigo. Nang silipin nito ang pinagmumulan ng ingay, nakita umano niya ang biktima na nakahiga sa kama at duguan ang mukha.
Binantaan umano ng mga suspek ang testigo at sinabing, “Wala kang nakita, ah!” Dahil sa takot, nanahimik umano ang testigo.
Nakita rin umano ng testigo ang asawa ng biktima na naglalaba ng damit na may bahid ng dugo.
Hindi pa malinaw ang motibo sa krimen. Nahaharap ang apat na suspek sa kasong parricide.