JOMALIG ISLAND – Isinailalim na sa state of calamity ang isla ng Jomalig sa Quezon dahil sa apat na buwang tagtuyot na dulot ng epekto ng El Niño, na matinding nakaapekto sa mga magsasaka at kanilang kabuhayan.
Sa panayam sa programang ’Yan Tayo ng DZMM Teleradyo, sinabi ni Jomalig Mayor Nelmar Sarmiento na hindi makapagtanim nang maayos ang mga magsasaka dahil sa kakulangan ng tubig.
Ulan lamang umano ang inaasahang pinagkukunan nila ng tubig, ngunit napakadalang ng pag-ulan sa isla.
“Dapat ngayon ay bumubunga na ang palay kung sakaling hindi naranasan ang El Niño na ito,” ani Sarmiento.
Tinatayang 40 porsiyento ng mga residente ng Jomalig ang umaasa sa pagsasaka, kabilang ang pagtatanim ng palay. Dahil sa tagtuyot, nawalan ng pagkakakitaan ang maraming magsasaka.
Ayon kay Sarmiento, namamahagi na ang lokal na pamahalaan ng relief goods sa mga apektadong pamilya habang naghihintay ng karagdagang tulong.
“Halos lahat doon ay walang ilog, walang bundok. Bale sa patak ng ulan lang umaasa. Mayroon naman tayong paghahanda na ginawa, may pondo naman tayong inilaan para sa relief goods,” dagdag ng alkalde.
May natatanggap na rin umanong tulong ang Jomalig mula sa Department of Agriculture at sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Governor Helen Tan.
Gayunman, nanawagan si Sarmiento kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pabilisin ang paghahatid ng ayuda at mga programa ng pambansang pamahalaan, lalo na sa mga malalayong isla tulad ng Jomalig.
“Sa ating minamahal na Pangulong Bongbong Marcos, iyon lamang po sana, patuloy na suplay ng bigas at saka iyong mabilis sanang pagbaba ng programa. Katulad sa malayo naming lugar, kung minsan, iyong pagbaba ng mga suplay na gusto naming iparating sa amin ay natatagalan. Sana ay medyo i-prioritize dahil napakalayo, napakahirap ng sitwasyon namin sa mga ganitong panahon,” pahayag ni Sarmiento.
Sa kabila ng epekto ng tagtuyot sa agrikultura, may positibong epekto naman umano ito sa turismo ng isla dahil mas maraming turista ang nakapapasyal sa panahon ng tag-init.
Ayon kay Sarmiento, kalmado ang dagat sa ngayon kaya magandang pagkakataon ito upang bisitahin at libutin ang mga ipinagmamalaking pasyalan ng Jomalig, kabilang ang Golden Sand at White Sand Beaches.
Tumatagal naman ng apat hanggang limang oras ang biyahe sa bangka mula sa Real, Quezon, bago marating ang isla ng Jomalig.