BULALACAO, Oriental Mindoro — Nanganganib ang mga pananim at suplay ng inuming tubig sa Bulalacao, Oriental Mindoro dahil sa tumitinding tagtuyot na dulot ng El Niño.
Apektado na ang kabuhayan ng mga magsasaka habang nahihirapan namang makakuha ng sapat na tubig ang ilang residente.
Ayon kay Bulalacao Mayor Lumelito Cabagay ,nagsimulang tumindi ang init sa kanilang bayan nitong pagpasok ng buwan Oktubre, kasabay ng halos pagkawala ng pag-ulan taliwas sa naranasan na malalakas na pag-ulan noong Agosto at Setyembre.
Dahil sa matinding tag-init, natutuyo na ang mga sakahan at bumababa ang lebel ng tubig sa mga ilog. Napipilitan tuloy ang mga magsasaka na magbomba ng tubig patungo sa mga irigasyon upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga palayan.
Nakipagpulong na ang lokal na pamahalaan sa Municipal Agriculture Office (MAO), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at mga kapitan ng barangay upang humingi ng tulong sa Department of Agriculture (DA), partikular na subsidiya sa diesel na gagamitin sa pagpapatakbo ng mga water pump.
“Nagkaroon kami ng meeting sa konsehal na kung sakali magkakaroon ng subsidy ay hihingi sa DA, sa Department of Agriculture ng subsidy para doon sa mga krudo, pang-diesel dahil kung walang ulan, magpa-pump ng tubig para lang magtuloy-tuloy,” ani Cabagay.
Ayon pa sa alkalde, umaasa na lamang sa tubig mula sa mga ilog ang mga magsasaka dahil hindi na sapat ang daloy ng tubig sa mga kanal ng National Irrigation Administration (NIA).
“Dahil wala po talaga kami makunan kundi sa ilog, dahil hindi na dumadaloy sa canal ng NIA dahil mataas,” dagdag niya.
Pinangangambahang bumaba ang ani ng palay ngayong panahon ng tagtuyot. May ilang pananim na rin umanong nagpapakita ng sintomas ng sakit dahil sa matinding init.
“Yung iba naming palay may sakit na, namumula na dahil kung tuloy-tuloy ang init, sabi ng MAO ko, maaapektuhan po talaga,” ayon kay Cabagay.
Bukod sa mga magsasaka, malaking problema na rin ng bayan ang kakulangan sa inuming tubig.
May ilang residente na umanong isang linggong walang suplay ng tubig kaya halos araw-araw nang nagpapadala ng tubig ang alkalde sa mga nangangailangang komunidad.
“May dalawa ako kahapon na tangke, may mga humihingi na ng supply, mga one week na silang walang tubig kaya halos araw-araw po nagsu-supply na ako ng tubig,” ani Cabagay.
Dahil sa lumalalang sitwasyon, pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ang pagdedeklara ng state of calamity.
Palay at sibuyas ang pangunahing pananim sa Bulalacao.
Noong 2024, isinailalim din sa state of calamity ang bayan matapos makaranas ng matinding tagtuyot na iniugnay rin sa El Niño.