Lumaktaw sa nilalaman
Martes, 13 Oktubre 2026 13 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 2-9-9

Road rage suspect, arestado matapos habulin at paulit-ulit na banggain ang SUV hanggang sa police station

Hinabol at limang beses umanong binangga ng kotse ang SUV

Arestado ang 47 anyos na drayber ng kotse matapos niyang habulin ang isang SUV hanggang sa Lipa City Police Station.TBST News
I-share

LIPA CITY, Batangas — Arestado ang isang 47-anyos na lalaki matapos habulin at limang beses umanong banggain ang isang SUV sa gitna ng insidente ng road rage hanggang sa mismong police station sa Lipa City, Batangas, Martes ng madaling-araw.

Hindi umano namalayan ng suspek na nakapasok na sa himpilan ng pulisya ang sinusundan niyang SUV kaya patuloy pa rin niya itong hinabol hanggang sa makapasok din siya sa gate ng police station, kung saan siya tuluyang naaresto.

Batay sa imbestigasyon ng Lipa City Police Station, nagsimula ang insidente bandang alas-12:50 ng madaling-araw habang binabagtas ng SUV ang Inosluban-Marawoy bypass road.

Namataan umano ng mga sakay ng SUV ang isang kotse na mabilis na umaandar at sumasalubong sa kanilang lane sa intersection sa Marawoy.

Nag-flash umano ng headlight ang driver ng SUV upang balaan ang driver ng kotse sa pag-counterflow nito.

Sa halip na tumigil, nag-U-turn umano ang driver ng kotse at humarang sa unahan ng SUV.

Tinangka ng driver ng SUV na umiwas sa posibleng komprontasyon, pero patuloy pa rin umano silang hinabol ng kotse at binangga sa likuran pagdating  sa Ayala Highway.

Muli pang binangga ang SUV malapit sa isang rotonda bago nagpatuloy ang habulan sa Morada Avenue, kung saan muli rin umanong sinalpok ng kotse ang SUV.

Sa kuha ng CCTV, makikitang paulit-ulit na hinahabol at binabangga ng kotse ang SUV.

Maya-maya, makikita rin sa isa pang CCTV footage ang mabilis na pagmamaneho ng SUV habang nakabuntot  pa rin ang kotse. Bigla ring nag-reverse ang SUV, pero bumalik ang kotse at ipinagpatuloy ang paghabol.

Nang mapansin ng mga sakay ng SUV ang karatulang patungo sa police station, agad silang nagtungo roon upang humingi ng tulong.

Pero hindi umano napansin ng suspek na sa himpilan na pala ng pulisya patungo ang kaniyang hinahabol.

Ayon kay PLtCol. Aleli Buaquen, hepe ng Lipa City Police Station, maging sa loob ng police station ay patuloy na nakasunod ang suspek sa SUV.

“Napansin ng biktima na may signage na police so nag-backing siya tapos dumeretso siya doon sa papasok sa police station. So yung suspect hindi niya siguro na-realize pa na police station na pala yung tinakbuhan ng victim. Sinundan niya pa rin,” ani Buaquen.

Agad namang rumesponde ang mga pulis na naka-motorsiklo matapos maalerto sa insidente.

Arestado ang 47-anyos na driver ng kotse na nagtatrabaho bilang virtual assistant.

Sinisikap umano ng mga pulis na makakuha ng pahintulot mula sa suspek para sumailalim ito sa drug testing upang matukoy kung nasa impluwensiya siya ng ilegal na droga nang mangyari ang insidente.

“Sinusubukan namin na magkaroon ng voluntary drug testing para makita natin kung under influence ba siya ng drugs kaninang madaling-araw,” ayon kay Buaquen.

Nagtamo ng pinsala ang likurang bahagi ng SUV at harapan ng kotse matapos ang limang ulit na pagbangga.

Pinaniniwalaang nag-ugat ang road rage sa galit umano ng suspek matapos siyang ilawan ng headlight ng SUV driver dahil sa pag-counterflow.

Nahaharap ang suspek sa walong bilang ng frustrated murder. Tumanggi naman siyang magbigay ng pahayag tungkol sa insidente.

Ayon sa pulisya, hindi na maituturing na simpleng reckless imprudence ang insidente dahil sa paulit-ulit na pagbangga ng suspek sa sasakyan ng mga biktima.

“Based doon sa actions ng ating suspect, may intent to kill siya doon sa pinakita niyang aksyon. Limang beses ba namang banggain yung sasakyan ng biktima,” ani Buaquen.

Tumangging humarap sa kamera ang mga biktima dahil sa pangamba sa kanilang kaligtasan, pero iginiit nilang nais nilang makamit ang hustisya.

Galing umano sa isang meeting ang mga biktima at ihahatid sana nila sa kani-kanilang tahanan ang dalawa nilang kasama nang mangyari ang insidente.

Nagpasalamat naman sila na walang nasaktan sa kabila ng matinding habulan at sunod-sunod na pagbangga.

Nakipag-ugnayan na rin ang Lipa City Police sa Land Transportation Office o LTO upang hilingin ang pagbawi sa driver’s license ng suspek.

Kaugnay na Balita