SANTA CRUZ, Laguna — Tinawag ni Laguna Gov. Sol Aragones na “political harassment” ang panibagong reklamong isinampa laban sa kanya sa Office of the Ombudsman ng grupong una na ring nagreklamo kaugnay ng umano’y ilegal na operasyon ng libreng chemotherapy center sa lalawigan.
Kabilang sa mga nagsampa ng reklamo sina Laguna Board Members Lorenzo Zuñiga at Carla Adajar, kasama si Jonel Osio, ang sinibak na administrative officer ng Laguna Medical Center.
Ayon sa mga complainant, walang Permit to Operate ang chemotherapy facility na pinatatakbo ng pamahalaang panlalawigan.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Aragones na wala pa silang natatanggap na opisyal na kopya ng bagong reklamo, ngunit iginiit niyang kahina-hinala ang sunod-sunod na kasong inihahain ng halos magkakaparehong grupo.
“Sa ngayon ay wala pa po kaming natatanggap na kopya ng reklamo,” pahayag ng gobernador.
“Pero dahil halos pare-pareho ang complainant sa sunod-sunod na reklamo, halatang political harassment po ito,” dagdag niya.
Ayon pa kay Aragones, tila ginawa na siyang puntirya ng mga reklamong aniya’y araw-araw na naghahanap ng butas sa kanyang pamamahala.
“Ginawa na nila akong proyekto na araw-araw hinahanapan ng butas. Sa tamang panahon ay sasagutin po namin ito,” aniya.
Tiniyak ng gobernador na sasagutin nila ang mga alegasyon sa tamang panahon at sa pamamagitan ng nararapat na proseso.