Lumaktaw sa nilalaman
Lunes, 5 Oktubre 2026 5 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 7-5-0

Tulay itatayo kapalit ng spillway matapos ang trahedya sa Paninsingin River sa Rosario, Batangas

Bahagi umano ng provincial road ang kasalukuyang spillway kaya ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas ang may sakop sa proyekto.

Inaasahang maisasama sa 2027 budget ng Batangas Provincial Government ang pondo para sa pagtatayo ng tulay na papalit sa spillway sa Barangay Colongan, Rosario, Batangas.TBST News
I-share

ROSARIO, Batangas – Matapos ang pagkasawi ng dalawang sakay ng jeep na inanod ng baha sa spillway sa Paninsingin River sa Barangay Colongan, Rosario, Batangas noong Sabado, kumikilos na ang mga lokal na opisyal para malagyan ito ng ligtas na tulay.

Sinabi ni Rosario Mayor Leovy Morpe na agad na nakipag-ugnayan sa  kaniya ang Provincial Engineering Office ng Batangas matapos ang insidente para matiyak na maisama sa mga prayoridad na pondohan ang pagsasaayos ng lugar.

Ayon kay Morpe, matagal na silang naghahanap ng pondo upang  makapagtayo ng tulay sa ibabaw ng ilog.

Bahagi umano ng provincial road ang kasalukuyang spillway kaya ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas ang may sakop sa proyekto.

“By next year ’yan, mayayari na. Local fund na ’yan ng probinsya,” ani Morpe.

Tulay na umano ang planong itayo sa halip na box culvert dahil hindi sapat ang ganitong disenyo para sa naturang bahagi ng ilog.

“Tulay na ang gagawin. Unlike doon sa other bridge na puwede siyang box culvert, pero ito sa tingin namin ay hindi puwede ang box culvert kaya medyo malaking pondo ang kailangan,” dagdag ng alkalde.

Inaasahang maisasama sa 2027 budget ng Batangas Provincial Government ang pondo para sa pagtatayo ng tulay na papalit sa spillway.

Layunin ng proyekto na gawing mas ligtas ang pagtawid sa Paninsingin River at maiwasang maulit ang trahedyang kumitil sa buhay ng dalawang residente.

Kaugnay na Balita