ROSARIO, Batangas — Ikinuwento ng drayber ng jeep na si alyas Jay kung paano tinangay ng malakas na baha ang kanilang jeep habang tumatawid sa spillway sa Paninsingin River sa Barangay Colongan, Rosario, Batangas noong Sabado ng hapon.
May sakay ang jeep na 14 na mula sa Taysan, Batangas at patungo sana sa isang poutry farm.
Ayon kay Jay, huminto muna siya nang makita ang rumaragasang tubig sa spillway. Ngunit nang makasalubong nila ang isang tricycle na tila nakatawid, inutusan umano siya ng kaniyang amo na ituloy ang pagdaan.
Hindi umano nila alam na ang tricycle ay nanggaling pala sa ibang kalsada at hindi dumaan sa spillway.
“Sinabi ko na hindi kaya. Tapos sabi niya, ‘Yung traysikel nga nakatawid, ito pa kayang jeep. Sige, idiretso mo. Huwag kang gigilid.’ Ginawa ko, diniretso ko dahil amo ko siya,” kuwento ni Jay.
Pagdating umano sa gitna ng spillway, nagsimula nang pumasok ang tubig sa jeep.
Sinubukan pa rin ni Jay na maitawid ang jeep ngunit hindi na nito kinaya ang lakas ng agos ng tubig.
“Pinilit ko pa rin. Binilisan ko ang silinyador, pero bumigay ang gulong. Itinulak kami ng tubig, tapos dahan-dahan kaming ibinagsak. Pagbagsak, dalawang ikot ang jeep. Paikot-ikot kami. Hindi ko na alam kung ano ang nangyari,” ani Jay.
Namatay sa insidente ang mag-asawang Rene at Maricel Lecitona, habang tatlo pang sakay ng jeep ang nasugatan.
Ayon kay Jay, pinagsisisihan niyang sinunod niya ang utos ng kaniyang amo na tumawid sa spillway.
Inaasahang makalalaya na si Jay mula sa Rosario Police dahil sinabi ng pamilya ng mga nasawi na wala silang planong magsampa ng reklamo laban sa kaniya.