ROMBLON — Pinaghahandaan na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon ang posibleng matinding epekto ng “super El Niño,” partikular sa mga magsasakang maaaring tamaan ng matinding tagtuyot at kakulangan sa tubig.
Ayon kay Provincial Agriculturist Relly Diokno, magsasagawa ang Provincial Agriculture Office ng mga teknikal na pagpupulong sa bawat munisipalidad para ihanda ang mga magsasaka at talakayin ang mga hakbang na dapat gawin bago maramdaman ang epekto ng El Niño.
Isa sa mga pangunahing hakbang ang pamamahagi ng Department of Agriculture (DA) ng mga binhi ng monggo at mais na maaaring itanim matapos ang anihan ng palay.
Mas kaunti ang tubig na kailangan ng mga pananim na ito kaya maaari itong maging alternatibo kapag limitado ang suplay ng tubig.
“Pagkatapos ng anihan ng palay, maaari na silang magtanim ng ibang pananim na hindi nangangailangan ng maraming tubig. Kaya kahit dumating ang ‘super El Niño,’ may maaani pa rin silang pagkain,” ani Diokno.
Kasabay nito ang pagpapalawak ng information campaign upang mabigyan ng gabay ang mga magsasaka sa paghahanda sa posibleng matinding tagtuyot.
Pinapayuhan din silang maghanda ng mga imbakan ng tubig upang may reserbang suplay sakaling lumala ang kakulangan ng tubig.
Bukod sa mga binhi mula sa DA, maglalaan din ng pondo ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para sa mga hakbang na tutugon sa epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura.
Batay sa pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong Setyembre 23, inaasahang magdadala ang El Niño ng mas mataas na temperatura at mas kaunting pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Inaasahang pinakamatingkad ang epekto nito mula Oktubre hanggang Disyembre 2026, bagama’t maaaring mag-iba ang tindi ng epekto depende sa lugar.