Lumaktaw sa nilalaman
Martes, 6 Oktubre 2026 6 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 3-4-0

Suspek sa gang rape sa Dasmariñas City, naaresto sa Baclaran

Ayon sa biktima, alyas “Julie,” inimbitahan siya ng isang kaibigan sa isang inuman. Nalasing umano siya at nakatulog at doon na nangyari ang panghahalay sa kaniya.

Hindi nakapagpigil sa galit ang gang rape vicitm ng makaharap niya sa Camp Vicente Lim sa Laguna ang isa sa tatlong suspek .TBST News
I-share

Camp Vicente Lim, Laguna  — Arestado na ang ikatlo at huling  suspek sa umano’y gang rape sa isang 20-anyos na babae sa Dasmariñas City, Cavite.

Dinakip ng Regional Intelligence Division ng Calabarzon PNP ang suspek na alyas “Ipay” sa isang tindahan sa Baclaran, Parañaque City.

May warrant of arrest laban sa kanya para sa kasong qualified rape, na inilabas ng Regional Trial Court Branch 129 sa Dasmariñas City.

Ang pag-aresto kay Ipay ang kumumpleto sa tatlong suspek sa kaso. Nauna nang sumuko sa Dasmariñas City Police ang dalawa niyang umano’y kasamahan.

“Ang akala niya dahil sumuko na yung dalawa niyang kasama, hindi na siya titingnan ng mga otoridad. Nagkaroon tayo ng information. Doon nakuha natin siya sa Baclaran,” ani ni PCOL Vicente Cabatingan, hepe ng Calabarzon PNP Regional Intelligence Division.

Nangyari umano ang panggagahasa madaling-araw ng Enero 18, 2026, sa loob ng isang bahay sa Barangay Paliparan, Dasmariñas City.

Ayon sa biktima, alyas “Julie,” inimbitahan siya ng isang kaibigan sa isang inuman. Nalasing umano siya at nakatulog.

Pagkagising niya, nakita umano niya ang isa sa mga suspek na nakapatong sa kanya at sekswal na umaabuso.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, tatlo umano ang nang-abuso sa biktima.

“Lumalabas, ito ay gang rape kasi tatlo yung kasamahan niya at yung mga iyon ay ginalaw siya. Kaya nakasuhan itong mga suspects at lumabas ang warrant of arrest,” ani PBGen Dominic Baccay, regional director ng Calabarzon PNP.

Aminado si Julie na hanggang ngayon ay dala niya ang matinding trauma mula sa sinapit na pang-aabuso. Ngunit kahit paano, nakagaan umano sa kanyang kalooban ang pagkakaaresto sa tatlong suspek.

“Sana po dahil nahuli na po siya, sana po hindi na po gawin sa iba. Sana hindi na po siya makalabas,” ani Julie.

“Sobrang sakit po. Sobrang traumatized po ako,” dagdag niya.

Samantala, una umanong itinanggi ni Ipay ang paratang. Kalaunan, inamin niyang may ginawa siya sa biktima at humingi ng tawad.

“Hinalik-halikan ko lang po,” pahayag ng suspek.

“Bigyan n’yo pa po ako ng isang pagkakataon. Pagsisisihan ko ang mga ginawa ko.” sabi pa ng suspek.

Nanawagan naman si Baccay sa mga biktima ng sexual abuse na huwag matakot magsumbong at manindigan upang mapanagot ang mga nang-abuso sa kanila.

Ayon sa pulisya, patuloy nilang tutugisin ang mga suspek sa mga kasong sexual abuse at sisiguraduhing haharap ang mga ito sa hustisya.

Nasa most-wanted list ng Calabarzon PNP si Ipay. Wala ring inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantala niyang kalayaan.

Kaugnay na Balita