BULALACAO, Oriental Mindoro — Dalawampu’t isang kalabaw ang ipinamahagi sa mga piling miyembro ng Cogon Malapad Amamajo Livestock and Poultry Farmers’ Association sa Sitio Cogon Malapad, Barangay Cambunang, Bulalacao, Oriental Mindoro.
Isinagawa ang distribusyon noong Oktubre 2, 2026 bilang bahagi ng National Livestock Program ng Department of Agriculture (DA).
Binubuo ng 20 babaeng kalabaw at isang lalaking kalabaw ang ipinamahagi na nagkakahalaga ng kabuuang ₱2.4 milyon.
Ang mga benepisyaryo ay mga piling kasapi ng nasabing farmers’ association. Ang mismong asosasyon ang tumukoy kung sinu-sino sa kanilang mga miyembro ang unang mapagkakalooban ng kalabaw.
Kasabay ng pamamahagi ang pagbibigay ng praktikal na gabay sa wastong pag-aalaga at pagpaparami ng mga kalabaw upang maging dagdag-kabuhayan at pangmatagalang puhunan ng mga benepisyaryo.
Dumalo sa aktibidad si Bulalacao Mayor Lumelito M. Cabagay, kasama ang mga kinatawan ng Municipal Cooperative Development Office (MCDO) at Municipal Agriculture Office.
Tumulong naman ang MCDO Bulalacao sa paghahanda ng mga kinakailangang dokumento at proseso para maisakatuparan ang proyekto, gayundin sa paggabay sa mga opisyal ng asosasyon sa pagpili ng mga unang tatanggap ng kalabaw.
Inaasahang makatutulong ang programa sa pagpapalakas ng kabuhayan ng mga magsasaka at livestock production sa komunidad.