MABINI, Batangas — Bangka muna ang sinasakyan ng mga estudyante at kanilang mga magulang para makapasok sa paaralan matapos matabunan ng gumuhong bahagi ng bundok ang kalsada sa Sitio Guitisan, Barangay San Teodoro, Mabini, Batangas.
Sa tulong ng Coast Guard Sub-Station Mabini, inihahatid ang mga estudyante at magulang sakay ng MBCA EZEYANNA patungo sa San Teodoro Elementary School.
Ipinagamit ni Christian Manalo ang bangka para matulungan ang mga residenteng apektado ng pagguho.
Sinimulan ang paghahatid nitong Lunes ng umaga habang hindi pa naaayos ang nasirang kalsada at hindi pa naaalis ang gumuhong bahagi ng bundok.
Nangyari ang landslide noong Biyernes ng hapon. Isang bahay ang natabunan, habang dalawang pamilya ang inilikas bilang pag-iingat.
Wala namang naiulat na nasawi sa insidente.
Habang hindi pa muling madaanan ang kalsada, dagat muna ang nagsisilbing alternatibong ruta ng mga estudyante para hindi mahinto ang kanilang pag-aaral.