PUERTO PRINCESA CITY, Palawan — Umabot sa 36 na bahay at 51 pamilya ang naapektuhan ng sunog sa Barangay Masipag, Puerto Princesa City, Palawan nitong Lunes ng gabi, Oktubre 5.
Sa kabuuang bilang, 29 na bahay ang tuluyang natupok, habang pito naman ang bahagyang napinsala.
Nagsimula ang sunog dakong alas-7 ng gabi at umabot sa unang alarma bago tuluyang naapula ng mga bombero alas-10:14 ng gabi.
Agad namang nagpakalat ng response at assessment teams ang Philippine Red Cross (PRC) Palawan Chapter upang matukoy ang agarang pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan at makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya para sa kinakailangang ayuda.
Wala pang inilalabas na impormasyon sa sanhi ng sunog at halaga ng pinsala.