CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Itinanggi ng Church of the Christ at Mindoro Ministries Fellowship sa Oriental Mindoro na isang lehitimo o ordinadong pastor ang suspek sa brutal na pagpatay sa 20-anyos na third-year nursing student na si Altheia Maru Gabayno.
Sa isang Facebook post, nilinaw ni Pastor Gerwin Falla Castillo, senior pastor ng Lealtad Church of Christ at director ng Center for International Cooperation and Development–International Christian College of Manila, na hindi pastor ng kanilang simbahan ang 26-anyos na suspek.
“He may have preached once or twice, or did some ministry internship, but he is not a pastor,” ayon kay Castillo.
Dagdag pa niya, walang simbahang makapagpapatunay sa pag-aangkin ng suspek na isa itong pastor dahil walang katibayan na naordinahan ito.
“No church can validate his claim. There is no proof that he was ordained,” ayon kay Castillo.
“You do not even care to attend church services and you have the nerve to say that you are a pastor! You were not, and you are not!!” dagdag pa niya.
Sa hiwalay na public announcement, nilinaw din ng Mindoro Ministries Fellowship na hindi naordinahan ng alinmang simbahan sa Mindoro ang naarestong suspek.
“We also wish to correct a statement made by [redacted] – who identifies himself as a pastor – as he is not ordained by any church in Mindoro,” ayon sa pahayag ng grupo.
Binigyang-diin din ng samahan na hindi kinikilalang miyembro ng Mindoro Ministries Fellowship sa Oriental Mindoro ang suspek.
Binubuo ang Mindoro Ministries Fellowship ng 50 simbahan sa lalawigan.
Sumuko ang suspek noong Linggo ng gabi sa MIMAROPA Police Regional Intelligence Division sa Church of the Christ sa Legarda, Maynila, kung saan ipinakilala niya ang sarili bilang isang pastor.
Nagkakilala umano ang suspek at ang biktima sa isang outreach program sa Mindoro. Nauwi ito sa isang romantikong relasyon na tumagal lamang ng halos isang buwan.