PAKIL, Laguna – May bagong pag-asa para sa mga guro at mag-aaral ng Kabulusan Integrated National High School sa bulubunduking barangay ng Pakil, Laguna matapos ilaan ni Laguna Governor Sol Aragones ang ₱650,000 na nalikom niya mula sa isang charity bazaar para sa pagpapatayo ng mga pansamantalang silid-aralan.
Ayon kay Aragones, nakalikom siya ng naturang halaga mula sa pagbebenta ng kaniyang mga lumang damit, sapatos at iba pang personal na gamit sa charity bazaar na inorganisa ng aktres na si Heart Evangelista.
Gagamitin ang pera sa pagpapatayo ng mga prefabricated classroom na magsisilbing regalo ni Aragones sa kaniyang kaarawan para sa mga guro at mag-aaral ng paaralan.
Labis na nakaaawa ang kalagayan ng nasabing paaralan dahil mga tolda at silid-aralang gawa sa dahon ng niyog ang kasalukuyang ginagamit ng mga estudyante.
Kapag umuulan, nababasa ang mga mag-aaral at guro, na lubhang nakaaapekto sa kanilang pag-aaral at pagtuturo.
“Habang hinihintay na magawa yung classroom na para sa kanila, ito na ang regalo ko sa kanila sa birthday ko, yung magkaroon sila ng pansamantalang maayos na classroom para hindi naman sila sa tent nag-aaral,” ani Aragones.
Nilinaw naman ng gobernador na pansamantala lamang ang mga prefabricated classroom dahil may nakaplano nang permanenteng gusali ng silid-aralan ang pamahalaang panlalawigan ng Laguna.
Target na maitayo ang mga prefabricated classroom sa loob lamang ng mahigit isang buwan habang hinihintay ang permanenteng pasilidad.
“Pansamantala lang ito, ang tulong talaga ng probinsya ay isa talagang classroom building na gagamitin ninyo para makapag-aral,” paliwanag ng gobernador.
Hinimok din ni Aragones ang mga mag-aaral na pagbutihin ang kanilang pag-aaral at huwag mawalan ng pag-asa sa kabila ng kahirapan.
“Sana makatulong ito sa inyo, basta ang pangako nyo lang ay mag-aaral kayo ng mabuti dahil hindi pwedeng habangbuhay mahirap ang buhay natin,” dagdag pa niya.
Aminado ang gobernador na humanga siya sa determinasyon ng mga mag-aaral at guro na patuloy na nagsisikap sa kabila ng hindi maayos na pasilidad ng kanilang paaralan.
“Yung nakita ko ang sitwasyon nyo na nag-aaral kayo sa tent, unang-una hanga ako sa inyo kasi kahit ganito kahirap ang sitwasyon ninyo, nag-aaral pa rin kayo,” ani Aragones.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga guro at mag-aaral kay Aragones. Hindi napigilan ng ilan sa kanila ang maging emosyonal dahil sa wakas ay may tumugon na sa matagal na nilang hinaing.
Ayon sa kanila, sa mahabang panahon ay ngayon lamang sila nakatanggap ng ganitong tulong mula sa isang gobernador na personal pang nagtungo sa kanilang paaralan upang makita ang kanilang kalagayan.