MAMBURAO, Occidental Mindoro — Posibleng nabubulok na mga organikong materyal na naipon sa tabing-dagat ang sanhi ng mabahong amoy na halos dalawang linggo nang iniinda ng mga residente sa Barangay Talabaan Proper.
Agad na nagtungo sa lugar si Mayor Atty. E-K Almero kasama ang mga opisyal ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Municipal Health Office , Municipal Enviroment and Natural Resources Office (MENRO) at lokal na pulisya matapos matanggap ang reklamo noong Oktubre 4.
Sa pag-iinspeksyon, nakita ang naipong tubig sa tabing-dagat na hindi maayos ang pag-agos.
Ayon kay MENRO Aris Ramos, posibleng nagmumula ang amoy sa nabubulok na damo, coral, dahon at iba pang organikong materyal na natabunan ng buhangin na inanod ng malalakas na alon kasunod ng pagdaan ng habagat.
Nagpalipad din ng drone ang mga awtoridad para masuri ang mas malawak na bahagi ng lugar at matukoy kung may iba pang posibleng pinagmumulan ng amoy.
Bilang agarang tugon, napagkasunduang magpadala ng payloader o backhoe para gumawa ng daluyan ng tubig at maibalik ang maayos na agos nito.
Hiniling naman ni Almero sa mga residente at opisyal ng barangay na patuloy na bantayan ang lugar at agad ireport ang anumang pagbabago para matukoy ang susunod na hakbang ng LGU.