Batangas City — Binisita ni Health Secretary Edwin Mercado ang DOH-Batangas Medical Center (DOH-BatMC) upang talakayin ang planong pagtatayo ng karagdagang mga pasilidad, kabilang ang Cardiac Center at OB-Gyne facility.
Layunin ng mga planong ito na mapalawak ang kapasidad ng ospital at mas maraming pasyente ang agad na mabigyan ng kinakailangang serbisyong medikal, bilang bahagi ng pangmatagalang layunin ng Unified National Agenda (UNA) for Health.
Katuwang ang PhilHealth, nakatuon din ang programa sa pagpapahusay at pagpapalakas ng mga kasalukuyang pasilidad upang mas mapalapit at mapabilis ang serbisyong pangkalusugan para sa mga residente ng Batangas at mga karatig-lugar.
Kasabay nito, paiigtingin ng Department of Health ang Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) Program, gayundin ang patient navigation at referral system.
Sa pamamagitan nito, nais ng DOH na matiyak na mas maraming pasyente ang makakakuha ng tamang serbisyo at agarang maituturo sa pasilidad na angkop sa kanilang pangangailangan.