Lumaktaw sa nilalaman
Linggo, 4 Oktubre 2026 4 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 9-9-6

Drayber patay, pahinante sugatan sa banggaan ng tatlong dump trucks sa Real,Quezon

Umabot ng halos dalawang oras ang isinagawang rescue operation bago tuluyang nailabas ang dalawa.

Umabot ng halos dalawang oras ang isinagawang rescue operation bago tuluyang nailabas ang dalawa.REAL MDRRMO
I-share

REAL, Quezon — Patay ang drayber ng isang dump truck habang sugatan ang kanyang pahinante matapos magbanggaan ang tatlong dump truck sa Infanta-Famy Road sa Barangay Tignoan, Real, Quezon, Sabado ng gabi.

Ayon kay Real Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Head Ricky Poblete, nangyari ang aksidente bandang alas-8:30 ng gabi habang magkakasunod na bumabagtas sa kalsada ang tatlong dump truck mula Infanta patungong Pangil, Laguna.

May karga umanong lupa at iba pang materyales na panambak ang mga dump truck.

Batay sa salaysay ng mga saksi, biglang nagpreno ang unang dump truck na naging dahilan para sumalpok dito ang ikalawang dump truck. Sinundan ito ng pagsalpok ng ikatlo at huling dump truck sa ikalawang truck.

Matinding pinsala ang tinamo ng ikatlong dump truck at naipit sa loob ang drayber at pahinante nito.

Umabot ng halos dalawang oras ang isinagawang rescue operation bago tuluyang nailabas ang dalawa.

Isinugod sila sa Claro M. Recto Hospital sa Infanta, ngunit idineklarang dead on arrival ang drayber. Ginagamot naman ang kanyang pahinante dahil sa mga tinamong pinsala.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente, kabilang ang pananagutan ng mga drayber ng dalawa pang dump truck.

Kaugnay na Balita