MAMBURAO, Occidental Mindoro — Ipinagbawal muna pansamantala ng Mamburao Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang ang paglangoy, paliligo at iba pang water-related activities sa dagat na sakop ng Barangay Talabaan kung saan naiulat na may masangsang na amoy na nagmumula.
Sakop din ng abiso ng MENRO Officer Ariston SJ. Ramos na inilabas noong October 7,2026 pinapayuhan din ang mga residenteng nakatira malapit sa lugar na panatilihing nakasara ang mga bintana, pinto at bentilasyon upang mabawasan ang pagpasok ng mabahong amoy sa kanilang mga tahanan.
Kung kinakailangang dumaan sa mga apektadong lugar, inirerekomenda ang pagsusuot ng N95 o multi-layered face mask.
Sinabi ng MENRO na ito ay habang nagsagawa ng pagsusuri ang kanilang technical team kasama ang mayors office, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Municipal Veterinary and Environment Team (MVET), at Municipal Health Office (MHO) hinggil sa pinagmumulan ng inirereklamong mabahong amoy.
Layunin din nito makapagsagawa ng mga hakbang upang maiwasan ang anumang panganib sa kalusugan.
Ayon sa MENRO, maaaring magdulot ng seryosong panganib sa kalusugan ang pagkakalantad sa hindi pa natutukoy na pinagmumulan ng mabahong amoy na posibleng kemikal, industrial emissions o nabubulok na organikong materyales.
Samantala, ang sinumang makaranas ng anumang sintomas o hindi komportableng pakiramdam na maaaring dulot ng singaw o mabahong amoy ay pinapayuhang agad na magpatingin sa pinakamalapit na health center o ospital.