CALAMBA CITY, Laguna — Mas paiigtingin ng Laguna ang seguridad at emergency response sa mga lugar na dinarayo ng mga turista matapos nitong makatanggap ng 30 Unified 911 Emergency Response Motorcycles mula sa Department of the Interior and Local Government o DILG.
Personal na tinanggap ni Laguna Governor Sol Aragones ang mga motorsiklo na mismong inihatid ni DILG Secretary Jonvic Remulla nitong Miyerkules, Oktubre 7, sa Camp Vicente Lim.
Inatasang gumamit ng mga bagong response motorcycle ang Tourist Police ng Laguna para mas mabilis na makarating sa mga lugar na nangangailangan ng police assistance at emergency response.
Ayon kay Aragones, kailangang palakasin ang seguridad sa lalawigan kasabay ng patuloy na pagdami ng mga lokal at dayuhang turistang bumibisita sa Laguna.
“With the number of tourists, both local and foreign, visiting Laguna, we really need to expand and prioritize their security and welfare,” ani Aragones.
Nagpasalamat ang gobernador sa pambansang pamahalaan sa mga bagong kagamitan na aniya’y malaking dagdag sa kakayahan ng lalawigan na tumugon sa mga emergency at protektahan ang mga residente at turista.
Samantala, tiniyak ni Remulla na patuloy ang suporta ng administrasyong Marcos sa mga lokal na pamahalaan.
“The Government, under the leadership of President Bongbong Marcos, will not tire of helping our fellow citizens,” ani Remulla.
Hindi lamang emergency response ang layunin ng mga bagong motorsiklo. Gagamitin din ang mga ito para mas mahigpit na mabantayan ang mga pangunahing destinasyon at tourism sites sa Laguna.
Ayon sa Provincial Government, kasabay ng pagpapalakas ng turismo ang pagtitiyak na ligtas ang bawat turistang bumibisita sa lalawigan.