CALAPAN CITY, Oriental Mindoro — Aabot sa kabuuang 607 ream ng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng ₱225,000 ang nasabat ng pulisya sa dalawang magkahiwalay na operasyon kontra iligal na tobacco products sa Palawan at Occidental Mindoro.
Sa Bataraza, Palawan, isang 24-anyos na lalaki ang naaresto ng mga tauhan ng Bataraza Municipal Police Station dakong alas-9:17 ng gabi noong Oktubre 6 sa Sitio Punggo-Punggo, Barangay Buliluyan.
Nasamsam sa operasyon ang 47 ream ng New Berlin at 500 ream ng Astro cigarettes, o kabuuang 547 ream na tinatayang nagkakahalaga ng ₱165,000.
Samantala, sa Mamburao, Occidental Mindoro, isa pang 24-anyos na lalaki ang nahuli dakong alas-5 ng madaling-araw noong Oktubre 7 sa National Road, Barangay 1.
Nakuha sa suspek ang 60 ream ng Carnival cigarettes na nakalagay sa dalawang kahon at tinatayang nagkakahalaga ng ₱60,000.
Ayon sa pulisya, kapwa walang mga Graphic Health Warnings (GHWs) ang mga sigarilyo na kinakailangan sa ilalim ng Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warnings Law.
Nabigo rin umanong maipakita ng mga suspek ang mga kinakailangang dokumento, permit, resibo o invoice na magpapatunay sa legal na pinagmulan o awtorisasyon para sa pag-iangkat, pagmamay-ari, pamamahagi at pagbebenta ng mga sigarilyo.
Pinuri naman ni PRO MIMAROPA Regional Director PBGEN Christopher R. Dela Cruz ang mga pulis na nagsagawa ng operasyon.
“Our police units will continue to work closely with concerned government agencies and communities to prevent the illegal trade of regulated products. We will remain vigilant in enforcing the law and protecting the public from products that fail to meet established regulatory requirements,” ani Dela Cruz.
Nakakulong na ang mga suspek sa Bataraza Municipal Police Station at Mamburao Police Station.