BATANGAS — Hinahanap ng Animal Kingdom Foundation ang driver ng isang traysikel na umano’y kinaladkad ang isang aso habang umaandar sa highway sa pagitan ng Bauan at San Pascual, Batangas.
Sa video na nakapost sa social media ng Animal Kingdom Foundation, makikitang nakatali ang aso sa umaandar na traysikel at pilit na sumusunod habang hinihila sa kalsada.
Kapansin-pansing nahihirapan ang aso at tila nasa matinding pagkabalisa habang kinaladkad ng sasakyan.
Ayon sa Animal Kingdom Foundation, sinubukan ng isang saksi na pahintuin ang driver pero hindi umano ito tumigil.
Hindi nakuha ng saksi ang plaka ng traysikel kaya hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng driver.
Nananawagan ngayon ang grupo sa publiko na tumulong sa pagtukoy sa driver at sa traysikel upang maisailalim sa imbestigasyon ang insidente at matukoy kung may nagawang paglabag sa batas.
Hinihiling ng Animal Kingdom Foundation sa sinumang may impormasyon tungkol sa driver o sa sasakyan na magpadala ng mensahe nang pribado sa kanilang grupo.
Nag-alok ang Animal Kingdom Foundation ng Php 5,000 na pabuya para matukoy ang drayber ng traysikel.
“Tulungan natin silang mahanap ang driver,” panawagan ng animal welfare group.