Batangas City — Pormal nang nanumpa noong Setyembre 28, 2026 ang mga bagong halal at itinalagang miyembro ng Batangas Tourism Council (BTC), Batangas Culture and Arts Council (BCAC), at Batangas Tourism Officers Association (BaTOA).
Pinangunahan ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang panunumpa ng mga bagong opisyal at miyembro na inaasahang magiging katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa pagsusulong ng turismo, kultura at sining sa Batangas.
Sa kanilang panunumpa, nangako ang mga bagong miyembro na makikiisa sa mga programa at inisyatiba para higit pang mapaunlad ang industriya ng turismo at mapangalagaan at mapayaman ang kultura at sining ng lalawigan.
Layunin din ng mga konseho at samahan na maisulong ang mga natatanging tradisyon, talento, produkto at pasyalan ng Batangas, habang pinatitibay ang pagkakakilanlan ng mga Batangueño.
Bitbit ang kanilang talino, talento at malasakit, inaasahang magiging katuwang ang mga bagong halal at itinalagang opisyal sa pagbuo ng mga programang magbibigay ng mas maraming oportunidad at makapagpapalakas sa turismo at sektor ng kultura at sining sa lalawigan.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, patuloy na isusulong ang Batangas bilang lalawigang may mayamang kultura, makulay na sining at mga karanasang maipagmamalaki ng bawat Batangueño.