SAN JOSE, Batangas – Sa kabila ng pangamba para sa kanilang seguridad, hindi uurong ang mga magulang ni Charles Usi sa paghahanap ng katarungan para sa kanilang 22-anyos na anak na pinaslang sa San Jose, Batangas.
Aminado ang mag-asawang Wilma at Michael Usi na mabigat ang kanilang laban, lalo’t umano’y isang maimpluwensiyang personalidad ang nasa likod ng krimen. Gayunman, umaasa silang tutulungan sila ng mga awtoridad upang mapanagot ang lahat ng sangkot.
Madalas na yakap-yakap ngayon ni Wilma ang gitara ng kaniyang anak. May mga bakas pa ito ng mga tama ng bala na tumagos sa instrumento nang pagbabarilin si Charles noong gabi ng Oktubre 25.
Pauwi noon ang 22-anyos na working student at singer sakay ng motorsiklo mula sa isang gig sa Lipa City nang pagbabarilin siya ng mga riding-in-tandem suspects.
Paborito ni Charles ang gitara na naging katuwang niya sa pagkanta at pag-abot sa mga pangarap para sa pamilya.
“Yung talagang way ng pagkamatay ng aking anak ay hindi katanggap-tanggap. Kaya ko naman po tanggapin kung sasakit namatay ang anak ko pero hindi po sa ganitong paraan kasi brutal po sa anak ko. Marami po siya pangarap sa amin, sa kaniyang mga kapatid,” ani Wilma.
Third year college student si Charles sa kursong BA Communication sa Westmead International School. Isang taon na lamang sana at matatapos na niya ang kaniyang pag-aaral.
Ayon kay Wilma, malihim ang kaniyang anak at hindi gaanong nagkukuwento tungkol sa kaniyang personal na buhay. Nalaman na lamang niyang may kasintahan ito nang minsang umuwi si Charles na kasama ang isang babae.
Wala pa umanong isang taon mula nang ipakilala ng biktima ang nobya sa pamilya nang mangyari ang pamamaslang.
Love triangle ang isa sa mga tinitingnang motibo ng mga awtoridad. Umano’y ang dating kasintahan ng nobya ni Charles ang nag-utos sa krimen dahil sa selos.
Gayunman, sinabi ni Wilma na hindi kailanman nabanggit ng kaniyang anak na may nagbabanta sa kaniyang buhay.
Limitado ang mga detalyeng inilabas ng pulisya, ngunit kinumpirma ni PTLCOL Philip Aguilar, hepe ng Public Information Office ng Batangas Police Provincial Office, na high-profile personality umano ang nag-utos sa pagpatay.
Umaapela ngayon ang pamilya sa mga nakatataas na opisyal na tiyaking uusad ang kaso at hindi makalulusot ang mga nasa likod ng krimen.
“Gusto ko mabigyan ng hustisya yung aking anak, kaya gusto ko po talagang humingi ng tulong sa nakakataas, mabigyan po ng hustisya ang pagkamatay ng aking anak kasi kami po ay mga simpleng tao lang na may simpleng pangarap sa aking anak na hindi na po mangyayari kasi kinuha na po nila ang buhay ng aking anak,” ani Wilma.
“Sana mahuli na po kaagad yung gunman, yung pumatay sa aking anak,” pakiusap naman ni Michael Usi, ama ng biktima.
Hindi rin itinago ni Wilma ang pangambang maaaring gamitin ng mga maimpluwensiyang personalidad ang kanilang kapangyarihan upang maapektuhan ang takbo ng kaso.
“Ako po ay natatakot sa aming seguridad kasi sa ganoon tao alam po natin na kapag ikaw ay maimpluwensiya ay kaya naman talagang paikutin ang lahat,” aniya.
“Wala kami kakayahan, pero sabi ko may Diyos naman po na nagtitiwala ako,” dagdag ng mag-asawa.
Kinasuhan na ng murder sa Batangas Provincial Prosecutor’s Office ang anim na suspek, kabilang ang umano’y mastermind.
Umaasa ang pamilya na agad na maglalabas ng mga warrant of arrest laban sa mga suspek upang masimulan ang pag-usad ng kaso.
Para sa mga magulang ni Charles, wala nang makapagbabalik sa anak na nangarap na iahon sila sa hirap. Ngunit sa kabila ng takot at kawalan ng kapangyarihan, determinado silang ipagpatuloy ang laban upang matiyak na mananagot ang mga taong umagaw sa buhay nito.